JoWaPao, Pokwang swerte kahit may pandemya; may hatid na ayuda sa 2 game show ng TV5

KUNG nganga pa rin hanggang ngayon ang karamihan sa mga artista dulot ng pandemya, tuluy-tuloy naman ang trabaho ng JoWaPao.

Masasabing bukod na pinagpala nga ngayon sa mundo ng showbiz ang comic trio na sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros.

Bukod kasi sa “Eat Bulaga” na balik-live na uli ngayong nasa general community quarantine na naman ang Metro Manila at mga kalapit-probinsya, hataw din sila sa mga bagong show ng TV5.

Siyempre, feeling blessed ang tatlong TV host-comedian dahil sa kabila ng health crisis ay nadagdagan pa ang kanilang trabaho at nagkaroon pa ng ibang venue para makapagpasaya ng manonood.

Nagsimula na last week ang game show ng TV5 na “Fill in the Bank” hosted by Jose and Pokwang at “Bawal na Game Show” nina Paolo at Wally.

At hindi lang basta komedya ang hatid ng dalawang bagong programa ng Kapatid Network, magpapasabog din sila ng bonggang papremyo.

Sa “Fill in the Bank” nina Jose at Pokey, bibida ang mga sikat na
salitang ayuda at PPE sa nakaaaliw na laro gamit ang Ayuda Teh! Machine (ATM) at Panghakot na Papremyo Equipment (PPE).

Dito rin makikilala si Jose as Chief Echoserong Officer (CEO) Manedyer Jose habang si Pokwang naman si Chismosang Falakang Officer (CFO) Madam Poky.

Sa pilot episode nito, nakasama nila sina Ronnie Alonte at Jerome Samonte na napalaban sa pag-iimpok ng pera sa banko para makamit ang jackpot money na P150,000.
Nakapaglaro na rin sa show sina Aubrey Miles and Jacq Yu, ang basketball players na sina Matthew Wright at Robert Bolick. At ngayong gabi, sasabak sa challenge ang volleyball players na sina EJ Laure at Eya Laure.

Dalawang mga kalahok ang sasabak bawat linggo sa mga sumusunod na game rounds: Enter your Pin Code, Cheque or X, Coin Rush and Huli Cash—upang makaipon ng pera at umusad sa susunod na challenge. Mapapanood ang “Fill in the Bank” tuwing Lunes, Miyerkoles at Biyernes, 7:30 p.m. sa TV5.

Napapanood na rin ang “Bawal na Game Show” kasama ang nagpapatupad ng batas na sina Ghorl Twins Wally Bayola bilang Bebe Ghorl at Paolo Ballesteros bilang Barby Ghorl. Nakasama nila sa mga nakaraang episodes sina Heaven Peralejo, Empress Schuck, Kira Balinger at Myka Rivera.

Sinundan ito nina Jameson Blake, Josh Colet, Luke Conde, at Miko Raval, sina SexBomb Girls Jopay Pagua, Mia Panyarihan, Mhyca Bautistta at Louise Bolton.

Mapapalaban naman sa Episode 4 (Agosto 22) ang mga komedyanteng sina Jayson Gainza, Pepe Herrera, Jeffrey Tam at DJ Jai Ho.

Mapapanood ang “Bawal na Game Show” sa regular airing nito tuwing Martes at Huwebes, 7:30 p.m. at tuwing Sabado, 7 p.m. sa TV5. Ang “Fill in the Bank” at “Bawal na Game Show” ay mula sa produksiyon ng Archangel Media sa pangunguna nina Direk Mike Tuviera (President/CEO) at Jojo Oconer (COO).

Read more...