Talagang kinilabutan si Direk FM Reyes sa isang eksena ni Jodi sa serye kung saan muli silang nagkita ng best friend niya sa kuwento na si Iza Calzado matapos makulong nang mahabang panahon.
Tinawag ng direktor si Jodi na “the silent superstar” sa ginanap na livestreaming ng nasabing teleserye. Naki-join kasi sila sa chikahan ng Kapamilya Online Live viewers habang commercial break.
“Bihira akong humanga sa artista, pero itong si Jodi, sa dami ng imememoryang script, na salita, mag-me-memorize ng blocking, at ang pinakamahirap, mag-memorize ng emotion.
“I gave her around 10 units of emotion. Namangha ako, napanganga ako, because she nailed it, doon sa paghaharap nila ni Iza,” ani direk FM.
Aniya pa, “Watch, everyone, how detailed Jodi is, at kung ano ‘yung mga itsi-check niya kay Ellice. Nakakapangilabot. Ang hirap ng ginawa niyang eksena.”
Sa panayam ng press kay Jodi sa online presscon ng “Ang Sa Iyo Ay Akin” inamin niyang napakahirap talaga ng kanyang role dahil sa dami ng emosyong kailangan niyang ipakita sa isang eksena.
“Hindi madali ‘yung portrayal ni Marissa. Ibang-iba talaga siya. To be honest, I was having doubts if I can pull this character off.
“Ang hirap niya, napaka complex. Ang daming nangyayari sa loob, pero ibang-iba ‘yung pinapakita niya sa labas,” sey ng aktres.
* * *
Isang malungkot na balita ang muling tumambad sa mga Pilipino sa pagsasara kamakailan lang ng ABS-CBN Tulong Center, na ilang taon nang nagbibigay ng libreng serbisyong ligal at medikal sa mga nangangailangan.
Sa opisyal na pahayag na ibinahagi nito sa Facebook, sinabi ng grupo sa ilalim ng ABS-CBN Integrated Public Service na hindi na sila makapagpapatuloy sa pagseserbisyo matapos hindi bigyan ng bagong prangkisa ang Kapamilya network.
“Nais po sana naming patuloy na makapaglingkod sa inyo, subalit ikinalulungkot po naming ipaalam na dahil sa hindi pagkakaloob ng prangkisa sa ABS-CBN, ang aming Tulong Center, kabilang ang aming online na serbisyo, ay tuluyan nang magsasara simula August 1, 2020,” ayon sa natanggap naming statement.
Lubos na naapektuhan ang mga programang public service ng ABS-CBN tulad ng Tulong Center, na nagsilbing takbuhan ng mga may sakit na bata at matanda, mga magulang at manggagawang may katanungan sa batas, at maging ng isang overseas Filipino worker na nailigtas mula sa kanyang abusadong amo sa Middle East.
Halos 55,000 Pilipino na ang natulungan ng Tulong Center simula 2014, matapos silang tumawag, mag-iwan ng mensahe online, o bumisita sa opisina nito sa ABS-CBN Compound sa Quezon City.
Maging ang ABS-CBN Foundation ay apektado rin. Habang magpapatuloy ang Sagip Kapamilya, Bantay Bata 163, at Bantay Kalikasan, may mga limitasyon na ang kanilang mabibigay na serbisyo.
“Malaki ang kinapilay natin. Ang dami kasing nalilibre ng Bantay Bata dahil sa ABS-CBN,” sabi ni Bantay Bata 163 advocate Jing Castañeda. “Talagang mabigat sa puso, nakakaiyak na hindian ang mga request na ito. ‘Yung mga gusto pong tumulong, pwede sa 163. We’d be happy to accept donations,” dagdag pa niya.
Maliban sa ABS-CBN Tulong Center at ABS-CBN Foundation, nawala rin sa mga Pilipino ng iba-ibang programa sa ABS-CBN current affairs na direktang nakatutulong sa kanilang pamumuhay.
Nariyan ang “Salamat Dok!” na linggo-linggong nagbibigay ng libreng checkup sa publiko, ang “My Puhunan” na nagtuturo ng mga mapagkakakitaan sa proyekto nitong Kabuhayan Caravan, ang “SOCO” na nagdaraos ng crime prevention seminar sa mga paaralan at komunidad, at “Mission Possible” na naghahanap at nagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong tinatampok nito sa programa.
Gayunpaman, hindi tumitigil sa paglilingkod ang ABS-CBN sa publiko sa patuloy na paglaban ng bansa sa pandemya. Mahigit 880,000 pamilya na ang nahatiran ng pagkain ng “Pantawid ng Pag-ibig: Isang Daan. Isang Pamilya.” ng ABS-CBN Foundation, habang mahigit 100 ospital na rin ang nadalhan ng medical supplies.