Nagdiwang ng kanyang ika-18 kaarawan si Golden last April, na kasagsagan nga ng lockdown sa buong bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Nakahanda na raw ang gaganaping debut party para kay Golden pero kinailangan nga nila itong ikansela dahil sa pandemya.
Naiintindihan naman ng The Clash season 1 grand winner ang sitwasyon kaya ang naisip niya sa halip na magkaroon ng party, nag-donate na lamang siya ng saku-sakong bigas sa mga kababayan nila sa Cebu.
Sa panayam ng GMA, sinabi ng dalaga na mas naging makabuluhan pa ang kanyang kaarawan dahil alam niyang marami siyang napasaya at natulungan kahit sa maliit lang na paraan.
“Ang ginawa na lang po namin, ’yung money, na which is money na gagamitin sana namin for debut, is binili namin ng rice at binigay namin sa mga kababayan namin sa Minglanilla sa Cebu, so sa mga tao na nawawalan po ng trabaho dahil sa COVID,” pahayag ni Golden.
Inamin ng singer na talagang umiiyak siya nu’ng kasagsagan ng enchanced community quarantine lalo na kapag nakikita ang mga taong nawalan ng trabaho at kabuhayan.
“Kasi po, hindi ko po, parang, as me kung sa debut ko ’yun, matatanggap akong gifts, pero instead ako ang makakatanggap ako na lang ang magbibigay para sa mga kababayan ko.
“Kasi naririnig ko lagi sa lola ko na ganito, ganyan, sobrang daming naghihirap, sobrang daming nagugutom.
“Doon ko po nakita kung paano sila umiyak kasi sobrang nahihirapan po talaga sila, nakikita ko po na nahihirapan po talaga sila,” aniya pa.
Ayon pa sa dalaga, alam niyavang pakiramdam ng mga walang-wala sa buhay dahil pinagdaanan din nila ito. Naranasan din daw ng kanyang pamilya na pumila para sa ayuda.
Pero siyempre, ipinagdiwang pa rin nila sa bahay ang 18th birthday niya, nagluto ba lang sila ng kaunting handa with matching videoke.
Samantala, sa Aug. 25 ilulunsad na na ni Golden ang bago niyang single na “Walang Hanggang Sandali” sa Barangay LS 97.1 FM.