Sylvia tuwang-tuwa sa regalong K-drama doll ni Ria: Simple lang, pero napakasaya ko!

TUWANG-TUWA ang award-winning actress na si Sylvia Sanchez sa surprise gift ng kanyang anak na si Ria Atayde.

Kitang-kita ang kaligayahan ng aktres nang matanggap ang regalo ng anak at makita kung ano ang nasa loob ng gift box.

Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Sylvia ang ilang video clips kung saan makikita ang pagbubukas niya ng regalo ni Ria.

Bukod sa mga noodles, soju at bisquits, shookt din si Ibyang sa manikang ibinigay ng anak na naging paborito na niya dahil sa panonood ng mga Korean series.

Ito ang sikat na sikat na doll mula sa sikat na Korean drama na “It’s Okay To Not Be Okay” na pinagbidahan nina Kim Soo-hyun, Seo Ye-ji at Oh Jung-se.

Kuwento ni Sylvia, gustung-gusto niya ang nasabing K-drama. Mismong si Ria raw ang nagsabi sa kanya na panoorin ito dahil siguradong maaadik din siya sa serye.

“You really know how to make me happy… Simple lang pero napakasaya ko,” pahayag ni Sylvia kasabay ng pagsasabing ang ‘It’s Okay To Not Be Okay’ ang isa sa pinakamagandang K-drama na napanood niya.

“Acting, directing and tackling mental health issues. Don’t miss out on this show, guys! Watch it if you haven’t yet,” lahad pa ng aktres sa caption ng kanyang IG post.

Read more...