Eric game mamasada ng tricycle: Hangga’t hindi sila ang nagpapakain sa inyo, walang dapat ikahiya

 

 

NANG dahil sa kanyang viral “tricycle photo”, naiparating ni Eric Fructuoso sa madlang pipol ang kanyang saloobin ngayong panahon ng pandemya.

Muli, ipinaalam ng dating matinee idol sa publiko na hindi siya namamasada para kumita, ipinost lang niya ang kanyang litrato habang nagmamaneho ng tricycle para bigyang pagkilala ang mga PUV driver.

Nais ipabatid ni Eric sa lahat na walang dapat ikahiya ang kahit sino sa pinapasukan nilang trabaho ngayong pandemya, hangga’t legal ang mga ito at walang naaagrabyadong ibang tao.

Hanggang ngayon ay nakakatanggap pa rin ng comment ang aktor sa social media at nagtatanong kung rumaraket nga siya bilang trike driver dahil sa kawalan ng trabaho sa showbiz.

Tanong ng isang netizen, “Truth salad (read: totoo)  ba ‘yan o picture lang?” Na sinagot niya ng, “Picture lang to motivate and inspire.”

Pero aniya, handa siyang maging tricycle driver kung kinakailangan, “Hindi lang iniintindi ‘yung post ko pero keri lang. Hindi ko naman tatanggihan ang pagkakataon.”
Samantala, sa isang video muling nagpaliwanag ang aktor tungkol sa kanyang viral photo.

“Sa panahon kasi ngayon, hindi puwedeng maarte. Hindi pwedeng kaartehan ang pairalin. Basta ang pagkakakitaan ay ligal, titirahin natin.

“I’m just trying to live by example. Ibig sabihin, maging good example tayo sa ibang tao.

“Hindi dapat natin ikinahihiya ‘yung ginagawa natin kasi may iba nahihiyang magbenta-benta, nahihiya sa pade-deliver ng kung ano-ano. At least kumikita ‘di ba?

“Sa akin lang, hangga’t hindi sila ‘yung nagpapakain sa inyo, ay ‘wag niyo silang intindihin. Ganu’n lang ‘yan,” lahad ni Eric.

“Walang mababang trabaho dahil trabaho lang ‘yan. Lahat ng trabaho ay may silbi.

“Hindi naman tinuro sa school at ni God na maging judgmental tayo or maging mapanlait sa ibang tao. Always be kind to people,” paalala pa ng aktor.

Read more...