MAS hinangaan ng madlang pipol ang Kapamilya actress na si Angel Locsin sa naging mensahe niya para sa vlogger na tinamaan ng COVID-19.
Ang nasabing vlogger ay kilalang kritiko ng aktres at madalas na nang-ookray sa pakikilahok niya sa mga isyu ng lipunan.
Kumalat sa social media ang balitang nagpositibo sa COVID-19 ang vlogger at kasabay nito ang pangnenega sa kanya ng netizens, kabilang na ang fans ni Angel.
Anila, nakarma raw ang vlogger dahil sa mga ginawa niya kay Angel at sa iba pang personalidad na binabanatan niya sa kanyang mga video. Sana raw ay magbago na siya at tigilan na ang pagtira sa mga celebrities na kumokontra sa gobyerno.
Nakarating kay Angel ang pagkakaroon ng COVID ng nasabing vlogger at hindi niya nagustuhan ang reaksyon ng mga netizens hinggil dito.
Sa kanyang Instagram Stories at Twitter account, nag-post ang aktres ng mensahe tungkol sa pagkakasakit ng isa sa kanyang numero unong kritiko sa social media.
Ani Angel, “I’ve been receiving messages about a vlogger who’s been habitually criticizing me and is now positive of Covid.
“Let’s not wish ill of him. Nobody deserves Covid. Hope you get well soon (praying hands emoji,” sabi pa ng dalaga.
Pero sa kabila ng apela ng aktres, marami pa rin ang nagsabi na tinuruan lang ng leksyon ang vlogger at dapat daw ay magsilbi na itong aral sa kanya para tigilan na ang pangnenega sa kanyang kapwa lalo pa’t wala namang ginagawang masama sa kanya ang mga taong ito.
Kung matatandaan, isa ang nasabing vlogger sa mga bumabanat kay Angel noong kasagsagan ng pakikipaglaban nito para sa ABS-CBN at iba pang mahahalagang isyu sa bansa.
Sabi pa nito sa isa niyang patutsada sa grupo nina Angel, “Ganun talaga mga artista pag laos na at need maging relevant. Meron naman tiktok at youtube eh. No need sumawsaw sa politics lalo na kung mahina ang logic. Dba @kbrosas @Hashtag_nikko13 @143redangel @MercadoJen???”