Isa ang kumpirmadong patay habang mahigit sa 30 naman ang nasaktan sa 6.6 magnitude na lindol na yumanig sa Kabikulan at sa Kabisayaan ngayong Martes ng umaga, ayon sa panimulang ulat ng Philippine Red Cross.
Iginuho ng malakas na lindol sa bayan ng Cataingan sa Masbate ang isang tatlong palapag na bahay at nadaganan at namatay ang retiradong pulis na si Senior Superintendent Gilbert Sauro, ayon kay PRC-Masbate chapter administrator Marie Jane Oxemer.
Sinabi pa ni Oxemer na umaabot sa 36 naman na mga taga-Masbate ang nasaktan sa mga bayan ng Cataingan, Palanas, Pio V. Corpus at Uson.
Naitala ang sentro ng pagyanig pitong kilometro sa timog-silangan ng Cataingan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Naramdaman ang lindol sa iba’t ibang lakas sa Masbate, Albay, Sorsogon at Camarines Sur, sa Bicol; Samar, Aklan, Iloilo, Roxas and Capiz, sa Visayas.
Maraming bahay at mga pampublikong imprastraktura, kabilang na ang palengke sa Cataingan at istasyon ng pulisya sa nasabing bayan, ang nawasak o kung hindi man ay nagtamo ng matinding pinsala.
Nagbitak-bitak ang mga daan sa iba’t ibang bahagi isla ng Masbate, ayon sa Office of Civil Defense sa Bicol.