Tanong sa 4 na Kapamilya director: Ano’ng mas gusto n’yo talong o pechay?

“ANO ang mas masarap kainin, talong o pechay?”

Ito tanong sa mga direktor na sina Ruel Bayani, Ted Boborol, Dado Lumibao at Jerry Sineneng na inimbita ni direk Cathy Garcia Molina para sa kanyang Nickl Entertaiment YouTube channel.

“Kaya kong sagutin ‘yan, talong kasi pini-mprito ko. Ang paborito kong almusal tuyo, pritong talong, suka’t bagoong kaya talong ako forever,” sabi ni direk Ruel.

Sabi ni direk Jerry, “Ako pare pechay ako, eh. Kasi gusto ko leafy vegetables talaga.”

Umayon din si direk Dado sa kanya, “Ako rin pechay. Ha-hahaha! Madali akong magsawa sa talong.”

Nagkatawanan ang lahat sa sagot ni Direk Dado.

Ayon naman kay direk Ted, “Ako rin po pechay, hindi ako kumakain ng talong, ‘yung talong na vegetable po di ba? Hindi ako kumakain.”

Halos mawala naman na sa frame si direk Cathy sa katatawa sa sinabi ni direk Ted.

Maski kare-kare ang ulam ay hindi rin kinakain ng direktor ang talong, “Bakit kayo nagtatawanan?” inoseneng tanong ni direk Ted sa lahat.

Hirit naman ni direk Jerry, “Kahit tortang talong hindi ka kumakain?”

“As a person hindi po ako ma-veggie, pero ‘yung leafy kumakain ako. Hindi lang naman talong ‘yung hindi ko kinakain,” paliwanag ni direk Ted na ikinatawa na naman ng lahat.

Sabay tanong ni direk Ruel, “Bakit si Cathy hindi sumasagot ng talong pechay, o bakit naiiyak ka na (sa katatawa)?”

“Nag-e-enjoy pa po ako sa mga sagot ninyo, ako po ay pechay kasi gusto ko sa nilaga at picadillo,” ani Direk Cathy.

At dahil nagkamalisya na ang dating ng talong at pechay, ang sabi ni direk Ruel, “Kinakabahan ako sa future nitong Nickl Entertainment (YouTube), baka ipasara sa mga itinatanong sa mga guests.”

Read more...