Joshua: Ang dami kong sinayang na oras nu’ng panahong adik ako sa computer

 

ADIK din sa online games ang Kapamilya actor na si Joshua Garcia.

Sa katunayan, bago pa ipatupad ang lockdown sa bansa noong kalagitnaan ng Marso dulot ng COVID-19 pandemic ay talagang nakababad na siya sa computer games.

Ito ang inamin ng young actor sa nakaraang online presscon para sa digital special film nila ni Julia Barretto na “Love Unlock: E-Numan.”

Aniya, napakarami niyang na-realize sa loob ng ilang buwang pananatili sa kanilang bahay habang walang trabaho.

“Ang dami kong sinayang na oras nu’ng mga panahong ang addict ko sa computer. Hindi ko alam kung ano pa yung mga kaya kong gawin, pero natuto ako na magbasa-basa ng mga libro.

“More on para sa sarili, self-love. Ang dami kong na-realize na mga sinayang ko na araw nu’ng mga panahon na puwede pa ako lumabas. Na parang hindi ko na magawa ngayon na nasa bahay lang.

“Sabi ko kapag nagkaroon ako ng chance na makalabas, talagang susulitin ko yung araw,” tuluy-tuloy na pahayag ni Joshua.

Isa raw sa mga naisip niyang gawin habang naka-lockdown ay ang pagtawag at pakikipag-usap sa mga taong mahalaga sa kanya, lalo na ang mga kaibigan niyang matagal na niyang hindi nakukumusta.

“Nag-message ako sa kanila, yung mga ibang kaibigan ko. Nag-sorry ako dahil parang hindi ako nakapagbigay ng oras sa kanila, mga ganu’n.

“Parang ang dami mong mari-realize, hindi lang ako, tayong lahat ang dami nating na-realize dahil sa nangyari,” aniya pa.

Samantala, aminado rin si Joshua na hindi talaga siya active sa social media tulad ng mga kapwa celebrities na araw-araw ay may updates na ipino-post about their lives.

“Hindi ko alam kung ano ipo-post ko. At least ngayon may masasabi na ako sa mga fans ko na may aabangan sila. With Julia, always connected naman ako kay Julia.

“Sa ngayon po wala pa namang next na pagsasamahan pero sa ngayon is mag-focus tayo dito sa Love Unlock episode namin na E-numan, ito pa lang kasi yung meron kami ngayon,” kuwento pa ni Joshua.

Read more...