TRENDING at viral na ngayon ang paandar ng dating matinee idol na si Eric Fructuoso bilang “tricycle driver.”
Pinusuan at ni-like ng napakaraming netizens ang litrato ni Eric sa social media habang nagmamaneho ng pampasadang tricycle.
Caption ng aktor sa nasabing viral photo sa Instagram, “Times like these hindi pwedeng kaartehan ang paiiralin! Basta ligal na pagkakakitaan para sa mga anak, tirahin lang ng tirahin!”
Maraming netizens ang pumuri sa kanya at nagsabing saludo sila sa kanyang pagpapakatotoo pero meron ding hindi kumbinsido na namamasada na siya ng tricycle dahil sa kawalan ng trabaho.
Sa kanyang Facebook, nilinaw ni Eric ang kanyang IG post, “Hindi po totoong namamasada ako ng trike sa Naic, Cavite… Dine ako sa Lipa, Batangas namamasada mas malaki ang kita! Akalain mong p200 ispesyal hanggang Rowbeensons?”
Sinabi rin niya na huwag maliitin ang mga tricycle driver, “May kumpare akong trike driver sa BF Homes at nung nag garage sale ako dati e yung mga kasamahan niyang trike drivers na tropa ang bumile ng mga Ralph Lauren at Ferragamo ko. Kaya nga ‘barya lang sa umaga’ dahil buo buo pera nila.”
Sa isa pa niyang post, sinabi ni Eric na, “Hindi pala kelangan clumeavage para mag trending.”
Samantala, sa isang video muling ipinaliwanag ng aktor ang kanyang viral video. Aniya, ngayong panahon ng pandemya, hindi kailangang mamili ng trabaho basta’t hindi ilegal.
“Sa panahon kasi ngayon, hindi ka pwedeng maarte. Hindi pwedeng kaartehan ang pairalin. Basta pagkakakitaan legal, para sa pamilya, tirahin lang nang tirahin.
“Because I believe by example. Ibig sabihin, magiging good example tayo sa kapwa. Hindi natin ikahihiya pa kung ano ang ginagawa natin.
“Kasi may iba, nahihiya ang magbenta-benta, nahihiya sa pagde-deliver ng kung ano-ano. Huwag kayong mahihiya. At least, kikita, di ba?
“Tsaka kailangan hangga’t hindi sila ang nagpapakain sa inyo, huwag niyo silang intindihin,” sabi pa ng dating member ng grupong Gwapings.