Roach: 2 pang laban at tatakbo nang presidente si Pacman

Trainer na si Freddie Roach habang nakatingin sa “Pambansang Kamao” na si Manny Pacquiao. (Wendell Alinea/MP Promotions)

Dalawa pang laban sa boxing ring at sasabak na ang “Pambansang Kamaong” si Manny Pacquiao sa panibagong bakbakan: ang karera sa pagkapangulo sa 2022.

Dahil na rin sa umiiral na pandemya, maaaring dalawang laban na lamang ang pwedeng magawa bago tuluyang isabit ng boksingerong senador ang kanyang boxing gloves, ayon sa kanyang trainer na si Freddie Roach sa panayam ng BoxingScene.com.

“Gusto pa ni Manny na lumaban ng dalawang beses at pagkatapos ay tumakbo sa pagka-presidente sa kanyang bansa,” pahayag ni Roach sa wikang English.

“Siya ang unang boksingero na gagawa niyan at ito ay magiging panibagong bahagi ng kanyang kasaysayan, at sa tingin ko ay magiging mahusay siya diyan,” ani Roach.

Pabiro pa umano niyang sinabi sa 41-taong-gulang na si Pacman: “Gusto kong ako ang magpatakbo ng iyong kampanya.”

Sinabi naman ng Hall of Fame trainer na target ni Pacquiao (62-7-2, 39 KOs) na maikasa ang sunod niyang laban sa pagtatapos ng taon o sa maagang bahagi ng 2021, depende kung epektibo nang nasugpo ang COVID-19.

At sino nga ba ang napipisil na sunod na makakasagupaan ng nag-iisang eight-division world champion sa kasaysayan ng boksing?

“Nag-usap kami sa kung sino ang makakalaban at dalawang pangalan ang lumitaw,” sabi ni Roach.  “Gusto ko si Mikey Garcia. Sa tingin ko, magiging maganda ang kanilang laban.”

Noong Pebrero 29, matapos igupo sa ring sa pamamagitan ng unanimous decision ang dating world titlist na si Jessie Vargas, sinabi ng four-division world titleholder na si Garcia (40-1, 30 KOs) na gusto niyang makasagupa si Pacquiao.

Samantala, si Floyd Mayweather naman ang ikawalang boksingerong gustong makaharap muli ni Pacquiao, ayon kay Roach.

“Isa pang laban kay Mayweather ang talagang gusto niya,” sabi ni Roach.

Noong May 2, 2015, nagharap sina Pacquiao at Mayweather sa tinaguriang “Fight of the Century” sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada kung saan natalo ang “Pambansang Kamao” sa pamamagitan ng unanimous decision.

 

Read more...