YouTube sensation na si Emman, nasa ICU

 

Kasalukuyang nasa intensive care unit o ICU ngayon ang YouTube sensation na si Emman Nimedez.

Ito ay ayon sa Facebook post ng kasintahan niyang si Peachy Bonifacio Santos nitong Biyernes ng gabi.

“Sa mga nakakabasa po nito gusto ko lang po ipaalam na Dinala po sa ICU si Emman kagabi dahil po sa kidney failure and blood complication. Nawalan po siya ng malay around 10 pm, tinry ko po siyang gisingin pero di na po siya nagrerespond,” wika ni Peachy.

Sinabi pa niya na mula pa noong Biyernes ng gabi ay hindi na nakakausap si Emman.

“Bago po siya pinasok sa ICU kausap po namin siya kasama ang Team Payaman at mahal n’ya sa buhay and alam kong naririnig n’ya ‘yun dahil tumatango po sya at nakahawak ng mahigpit sa kamay ko. Ngayon po ay critical condition n’ya at unstable,” ani Peachy.

Kaugnay nito ay nanawagan ang dalaga sa kanilang mga followers.

“Kailangan po namin ng suporta at tulong n’yo ngayon malaki man o maliit ang halaga. Pera man o simpleng pag-share lang ay malaking tulong na po ‘yun para sa kay Emman kitang-kita ko na gusto n’ya po lumaban,” wika ni Peachy.

“Kasi everytime na sinasabe ko ‘lalaban tayo ha’ tatango sya. Hinahawakan n’ya yung kamay ko ng mahigpit at alam ko na lalaban tayo na magkasama sa pagsubok na to,” dagdag niya.

Sabi pa ni Peachy: “Kaya mo yan Mahal. Alam kong kaya mo.”

Nag-post din si Peachy ng bank details kung saan puwedeng maghulog ng tulong pinansiyal para kay Emman.

Si Emman ay nakilala bilang YouTuber noong 2011 at sumikat nang husto noong 2017 dahil nag-viral ang mga video niya. Sa kasalukuyan ay mayroon siyang 2.17 milyong subscribers at halos bawa’t post niya ay 300,000 ang pinakamababang views at 19 milyon naman ang pinakamataas.

Marami ang sumagot sa panawagang ito ng kasintahan ng binata na karamihan ay fan at mga kaibigan.

Pinanood namin ang ilan sa videos ni Emman at real-talk lahat tungkol sa buhay niya, kasama ang mga kaibigan at nangyayari sa kapaligiran.

Base sa video ni Emman, dalawang buwan na ang nakararaan noong na-confine siya.  Samantala, inaalam pa kung kinakailangan niyang magpa-chemotherapy para sa sakit niyang leukemia dahil na rin sa pabalik-balik ang lagnat niya.

Aniya, “malalaman kung need kong magpa bone marrow transplant after ng check-up ko.”

Huling post niya an gang music video niyang ‘Uuwian’ two weeks ago na umabot na sa isang milyong views.

Nitong Biyernes, tinakbo na siya sa hospital.

Mula sa Bandera ay hangad namin ang agarang paggaling ni Emman.

 

 

 

Read more...