Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pag-urong ng pagbubukas ng klase sa harap ng patuloy na pag-akyat ng bilang ng nagkakasakit ng COVID-19 sa bansa.
Sa memorandum na inilabas nitong Biyernes ni Executive Secretary Salvador Medialdea, iniutos na ipagpaliban sa Oktubre 5 ang pagsisimula ng klase sa halip na Agosto 24.
Ang desisyon ng Palasyo ay base na rin sa rekomendasyong isinumite sa Malacañang ni Secretary Leonor Briones ng Department of Education (DepEd) noong Agosto 6.
Sinabi ni Briones na ang desisyong ito ay bunsod na rin ng pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ng Metro Manila at ng mga karatig na lalawigan ng Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal.
“Ang mga susunod na linggo hanggang Oktubre 5, na siyang bagong araw ng pagsisimula ng SY 2020-2021 ayon sa rekomendasyon ng DepEd na inaprubahan ng Pangulo, ay gagamitin upang ang mga lugar na nasa MECQ ay lubos pang makapaghanda para sa pagbubukas ng klase,” ayon sa DepEd.
Sa mga lugar na hindi nakapailalim sa MECQ, sinabi ng DepEd na magpapatuloy ang mga orientation, dry run, at paghahatid ng learning resources dagdag pa sa higit 500 simulations na naisagawa na.
MOST READ
LATEST STORIES