Willie nanawagan sa mga jeepney driver; nakiusap din para sa nambatikos na reporter

 

NANAWAGAN si Willie Revillame sa mga driver ng jeepney na huwag nang pumunta sa Wil Tower dahil hindi roon ipamimigay ang ipinangako niyang donasyon.

May ilang jeepney driver kasi na sumugod doon na umaasang makakakuha ng tulong pinansiyal mula sa TV host-comedian.

Nangako kasi si Willie na magbibigay ng limang milyong piso sa ginanap na press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque last Friday.

Sa episode kagabi ng “Wowowin: Tutok to Win” sinabi ni Willie na ang LTFRB ang mamamahala sa pagbibigay ng P5 milyong donasyon niya para sa mga jeepney driver.

“Maraming salamat sa LTFRB ho, at siyempre ho pinaunlakan niyo ang tanong namin.

“In fairness po sa ating gobyerno, ayaw nilang humawak ng pera. So, kami na ho, at ang aming lawyers po at ang LTFRB po ang nag-aayos po kung saan niyo po kukunin.

“Para sa inyo po ‘yan. Huwag kayong mag-aalala. Wala ho kayong makukuha dito (Wil Tower). May mga jeepney drivers na nagpunta rito sa Wil Tower kagabi, kahapon, huwag ho. Hindi niyo makikita rito ‘yan. Sa tamang mga tao po,” ani Willie.

Bukod dito, nangako uli ang komedyante na magbibigay pa ng karagdagang P5 miyon next month mula sa sarili niyang bulsa.

Samantala, nakiusap din si Willie sa publiko na huwag nang i-bash ang writer ng isang news agency na bumatikos sa pagsali niya sa press briefing ni Roque.

Kalimutan na raw ang galit at kanegahan lalo na ngayong panahon ng krisis. Wala na raw siyang sama ng loob sa nasabing reporter.

“Trabaho nila yun, e. Okay na yun. Huwag n’yo na siyang i-bash, may kanya-kanya tayong pananaw,” ani Willie na inimbita pa ang tinutukoy niyang news writer kung gusto nitong mag-guest sa kanyang show.

“Huwag na nating tarayan ang kahit isa. Mahirap na ang buhay, kung anu-ano pa ang ginagawa natin. Makinig na lang ho muna tayo, para sa atin naman ito. Tandaan niyo ho, kayo ang bida rito,” mensahe pa ni Willie.

Read more...