Sports car ni Daniel nabangga ng tricycle: Pero siya pa nagbayad sa driver, bait talaga!

MULING pinatunayan ni Daniel Padilla ang likas na kabaitan at pagiging matulungin nang masangkot ang binata sa isang aksidente.

Inulan ng papuri sa social media ang boyfriend ni Kathryn Bernardo matapos mag-viral ang mga video at litrato nang mabangga ng tricycle ang kanyang vintage sports car sa Fairview, Quezon City nitong Miyerkules.

At maliban pa sa hindi sya kinakitaan ng pagkabugnot kahit pa nga may kaunting kupi at gasgas ang kanyang 1967 Ford Mustang, mahinahon nitong kinausap ang tricycyle driver at binigyan pa ng pera.

“Si Daniel na nabunggo siya pa nagbigay kay manong. Bait talaga,” wika ni Jessica De Vera Tamayo sa kayang video post sa Facebook.

Naganap ang aksidente dakong  alas-3 ng hapon sa Dahlia Avenue, West Fairview.

Sinabi ni Tamayo na bumaba ng kotse si Padilla na nakasuot ng facemask matapos mabundol at kinusap ang tricycle driver.

“Nagpapaliwanag naman po ng mabuti ang driver at humihingi ng patawad dahil hindi daw niya sadya,” sabi ni Tamayo sa panayam ng INQUIRER.net.

“Nagulat po yung driver at mga kasamahan nito ng biglang may ibinigay na pera si Daniel Padilla kay manong driver,” dagdag niya. “Ang akala kasi niya ay pagbabayarin siya dahil sa nadulot ng pagkabunggo sa sasakyan niya.”

Makikita pa sa ibang social media posts na game na game ang Kapamilya actor sa pagpose para sa selfie sa mga taong nakikiusyuso sa aksidente.

Nagpaalala pa ang aktor sa mga tao na panatilihin ang social distancing.

Bumuhos ang positibong mensahe sa social media para kay DJ, nagkakaisa sila sa pagsasabing napakabuti talaga ng anak ni Karla.

Wika ni Reynaldo Duron sa kanyang video post sa FB: “SOBRANG BAIT NI DANIEL PADILLA, SYA NA NABANGGA SYA PA NAGBAYAD SA TRICYCLE.”

Samantala, ibinalita naman ng nanay ni Daniel na si Karla Estrada sa Twitter na okay naman ang kalagayan ng anak kaya huwag nang mag-alala.

“Guys, okay si DJ. Kaunting gasgas lang sa sasakyan. At siyempre, everybody happy! No problem! Tuloy ang buhay!” ani Karla.

Ayon sa Wheels.ph, kolektor si Padilla ng mga vintage at rare cars. Kasalukuyang umanong may 12 na sasakyan ang aktor.

Sa tantya ng motoring site na ito, aabot sa P5-7 milyon ang halaga ng nagasgas na Ford Mustang.

 

 

 

Read more...