HAYAN, nasagot na ang katanungan ng lahat tungkol kay Anjo Yllana nang sulatin namin dito sa BANDERA kahapon ang tungkol sa bago niyang noontime show.
Nag-resign na ang TV host-actor sa Eat Bulaga ng GMA 7 kasabay ng pagpapasalamat sa lahat ng Dabarkads.
Makakasama niya si Kitkat Favia sa bagong programa ng NET 25 (Eagle Broadcasting Corporation) na makakatapat ng Eat Bulaga.
Kilalang co-host si Anjo ng Eat Bulaga sa loob ng 21 years kaya nakapagtataka na tumanggap siya ng programang makakatapat ng EB.
Sabi ni KitKat sa amin nu’ng tanungin namin tungkol sa paglipat ni Anjo sa Net 25, “Siguro po, kasi sa Sugod Bahay (segment) siya, eh. Wala namang Sugod Bahay na ngayon.”
Oo nga, kasi bawal na ang pagpunta sa mga barangay ngayon dahil sa ipinatutupad na health protocol dulot ng COVID-19 pandemic.
Anyway, nakasama na si Anjo sa meeting with KitKat nitong Lunes para sa bago nilang programa na ginanap sa Eagle Broadcasting Coprotation compound sa may Visayas Avenue, Quezon City.
At nitong Martes, Agosto 11 ay pormal nang nagbigay ng kanyang resignation letter si Anjo sa APT Entertainment na producer ng Eat Bulaga bilang blocktimer sa GMA 7.
Post ng aktor, “With a heavy heart…today August 11, 2020…I submit my resignation..thank you Dabarkads…thank you Eat Bulaga… 21 years and it was a blast…Goodbye and all roads to your 50th.”
Naka-tag ang manager ni Anjo na si Malou Choa-Fagar sa nasabing post niya sa Facebook nitong Martes ng gabi.
Pawang “congratulations” at “goodluck” ang nabasa namin mula sa mga nagkomento at iilan lang ang nagsabi na nalulungkot sila sa pag-alis ni Anjo sa Eat Bulaga.