Isang kilalang personalidad na malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nakikitang susi ng isang grupo ng mga duktor para mapatalsik sa pwesto si Health Secretary Francisco Duque.
Sinabi ng aking cricket na isang dating Cabinet official rin ang kinausap ng nasabing grupo para mailapit sa nasabing personalidad ang kanilang hiling laban sa naturang health official.
Naniniwala raw kasi ang grupo na dapat nang bumaba sa pwesto ang kalihim lalo’t bigo ang kampanya ng gobyerno kontra Covid-19.
Kamakailan lang ay inulan ng batikos si Duque dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nahahawa sa nasabing uri ng sakit.
Ang panawagan ay hindi lamang nagmula sa panig ng oposisyon kundi maging sa mga tagasuporta ng kasalukuyang administrasyon.
Ang personalidad na balak kausapin ng isang grupo ng mga duktor ay nakatakda ring italaga sa isang pwesto sa pamahalaan ni Pangulong Duterte ayon pa sa aking cricket.
Si “Madam” na dati ring opisyal ng pamahalaan ay nakatakdang bumalik sa pamahalaan upang tutukan ang economic rehabilitation program ng pamahalaan na lubhang naapektuhan ng nararanasang pandemic.
Kamakailan ay isang dating health secretary rin ang lumantad at nagsabing kulang at mali ang ginagawang hakbang ng grupo ni Duque kontra Covid-19.
Sa kabilang banda ay hindi rin magiging madali ang hihinging tulong ng mga dismayadong duktor sa ating bida dahil kilala rin ito na kaibigan ni Duque.
Pero anuman daw ang mangyari ay buo na ang kanilang pasya na hingin ang tulong ng dating mataas na opisyal bilang deperadong hakbang laban sa kasalukuyang kalihim.
Ang personalidad at dating top official na gustong hiritan ng tulong ng isang grupo ng mga duktor para palitan ang kasalukuyang health secretary ay si Madam G… as in Gloria.