Willie pumalag sa negang report: Ang alam ko sa hijack, may hino-hostage ka, may dala kang armas…

 

 

“PARANG napasama pa ho ako sa iba, parang nagbuhat ako ng bangko ko, parang nagyabang pa ako?”

 

Yan ang hugot ni Willie Revillame matapos mabasa ang negatibong artikulo tungkol sa paglabas niya sa press briefing ng Malacañang Spokesperson na si Harry Roque nitong nagdaang Biyernes.

 

Dito nagbitiw ng pangako si Willie na magbibigay siya ng P5 million sa jeepney drivers na nawalan uli ng pagkakakitaan dahil sa pagbabalik ng MECQ.

 

Umalma ang TV host sa headline na “Willie Revillame hijacks Roque press briefing to promote charity, GMA7 show” na lumabas sa isang website. Isinulat ito ng news reporter na si Pia Ranada.

 

Paliwanag ni Willie sa episode ng “Wowowin” kagabi, “Ang alam ko sa hijack, may hino-hostage ka, may dala kang armas at nangha-hijack ka.

 

“Ang ibig ko hong sabihin, hindi ho maganda yung pagkasulat. Hinijack ko daw yung programang ‘yon. I was invited by the secretary, binigyan ako ng pagkakataon.

 

“Sana ho, Miss Pia Ranada… wala akong pinasisikat at hindi ko kailangan gawin ‘yon. Alam mo bakit? Ang mga bida sa programang ito, yung mga nangangailangan.

 

“Sana sa pagsulat mo, alamin mo muna kung ano ang istorya. Kaya nga sinasabihan kayo na fake news kayo, hindi totoo ang sinasabi mo.

 

“Never akong mangha-hijack. Kung pala ang hijack ay kabutihan, e, di mang-hijack na lang tayo, kung magbibigay ang hijacker ng five million,” paliwanag ni Willie.

 

Ipinagamit muna ni Willie ang studio niya sa Wil Tower Mall para magamit nina Roque sa kanilang daily press briefing matapos isara pansamantala ang RTVM at PTV4 studio for disinfection dahil nagpositibo sa COVID-19 ang ilang empleyado ng network.

 

“Wala po silang studio na magagamit, so nung tinawagan niya [Roque] ako, right there and then, pumunta na po ako sa Wil Tower.

 

“Ako na ho ang nag-asikaso, at ‘yan po ang studio na ginagamit ni Secretary Harry Roque magmula last Monday. Ginawan ko po ‘yan ng paraan,” aniya.

 

Sa katunayan, tumanggi si Willie noong unang imbitahan ni Roque na mag-join sa press briefing para personal siyang mapasalamatan.

 

“Sabi ko, ‘Sir, hindi ho appropriate dahil hindi naman ako pulitiko and, also, I have my own show.’ Noong last Friday po, August 7, sabi niya, ‘Baka huling araw na namin sa studio. Puwede bang lumabas ka lang para lang mapasalamatan kita nang personal?’

 

“Kaya ho noong lumabas ako, nagbuhat pa ako ng bangko, binuhat ko talaga nang literal na bangko to lighten up the situation.

 

“E, parang napasama pa ho ako sa iba. Na parang nagbuhat ako ng bangko ko, parang nagyabang pa ako?

 

“Hindi ko ho maintindihan bakit may ganyang klase ng mga tao.

 

“Huwag niyo ho akong sabihan na, ‘Huwag mong ibigay sa DSWD, huwag mong ibigay sa LTFRB.’

 

“Kanino ko ho ibibigay ‘yan? Hindi ho ako puwedeng pumunta sa mga jeepney driver, una may batas, may COVID, di ba? Paano ko ibibigay, magkakagulo po ‘yan. Baka mapasama pa, mahuli pa ako.

 

“Kailangan po sa kinauukulan kaya ho ibinigay ko kay Spokesperson Secretary Harry Roque yung five million,” diin ni Willie kasabay ng pagsasabing  galing sa mismong bulsa niya ang kanyang donasyon.

 

 

 

Read more...