WALANG sinasayang na panahon ang Kapuso actor-dancer na si EA Guzman ngayong panahon ng pandemya.
Bukod sa pagiging active sa TikTok at sa sunud-sunod na guesting sa mga umeereng programa ng GMA 7, sinimulan na rin ni EA ang food business na mula sa mismong recipes ng kanyang ina.
In fairness, mainit agad ang pagtanggap ng publiko sa kanilang online business kaya mas lalong ginaganahan ang aktor na karirin na ang pagnenegosyo.
May ilang payo naman ang binata sa lahat ng nagpaplanong mag-business ngayong may health crisis sa bansa.
Aniya, huwag maging padalus-dalos sa pagdedesisyon. Pag-isipan daw mabuti ang papasuking business bago maglabas ng pera at higit sa lahat mag-ingat sa scammers o sindikato sa online o social media.
“Huwag magpadalos-dalos. ’Pag naisip na ‘Ganito ’yung itatayo ko, ganito dapat,’ no. ‘Ganito ’yung perang ilalabas ko,’ no. Maging wise sa pagdedesisyon,” paalala ni Edgar Allan.
Kailangan din daw siguruhing malinis at safe ang mga pagkaing ibebenta lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.
“Lahat ng mga tao gusto nila safe, malinis ’yung ibibigay mo sa kanila. Lagi tayong may safety protocols, ipakita natin sa kanila na kung ano man ’yung business mo, mapa-pagkain man ’yan, malinis ’yung binibigay natin sa kanila,” lahad ng binata.
Binalaan ni EA ang lahat na huwag magpapaloko sa mga online sindikato, “Kasi maraming, alam mo naman hindi ko naman sinasabing maraming scammers or something.
“Nag-iingat lang tayo. Marami ang mga manloloko ngayon, maraming tao na nagpaplanong ’yun ang gawing trabaho nila habang pandemic kasi nga hindi sila makapasok,” diin pa niya.