KATULAD ng marami sa atin, nakahanap din ng bagong libangan ang Kapuso actor na si Edgar Allan Guzman habang hindi pa sila bumabalik sa taping.
Kuwento ni EA, nakahiligan na niyang gumawa ng iba’t ibang gawaing bahay ngayong quarantine at kabilang na rito ang pagluluto.
Aniya, “Since nag-start ‘yung ECQ, mas naging focused ako sa gawaing bahay. May time na ako para makatulong sa mommy ko na maglaba at maglinis ng sarili kong kuwarto.”
“And mas marami akong natutunan na iluto from my mom. Every dinner, tuwing kakain kami, nagpapaturo ako sa kanya. Tinitingnan ko ‘yung pinapakain niya, ano-ano ‘yung ingredients, at kung paano iluto iyon,” aniya pa.
Ginawa na rin nga niyang negosyo ang hilig sa pagluluto via “Adobong Tuyo ni Mommy Sarrie.” Hango ito sa mga luto ng kanyang ina.
Nagpapasalamat ang Kapuso star dahil kahit kasisimula pa lang ng kanilang business ay tinangkilik agad ito ng customers kaya naman successful ang naging dry run last week.
Fully booked na raw ang kanilang reservations sa mga susunod na linggo.
* * *
Tuwang-tuwa naman ang Kapuso actress na si Glaiza de Castro matapos mapanood ang isang parody video ng hit GMA primetime series na “Encantadia.”
Good vibes kasi ang hatid ng video mula sa grupong ParoDivas sa paandar nilang “Bragais Tocotocoto” challenge habang nakasuot ng mga Sang’gre costume bilang sina Amihan, Alena, Danaya at Pirena.
“Nagulat ako na sobrang effort ‘yung pagkakagawa ng parody nila, as in. Tapos natuwa ako nu’ng pinabago nila ‘yung music. Nakaka-good vibes talaga,” kuwento ni Glaiza.
Pinasalamatan din ng aktres ang grupo sa paghahatid ng saya sa gitna ng pandemya, “Parodivas, maraming maraming salamat sa good vibes na ipinarating n’yo sa amin. Nakakatuwa na naa-appreciate n’yo ‘yung Encantadia.”
Napapanood si Glaiza gabi-gabi sa rerun ng “Encantadia” sa GMA Telebabad at sa Stairway to Heaven sa GMA Afternoon Prime.