Kahit wala pang int’l sked, Miss Universe PH tuloy sa Okt. 25

Miss Universe Albay Paula Ortega/FACEBOOK PHOTO

HABANG umiiral ang isang pandaigdigang pandemyang bunga ng COVID-19, hindi pa rin sinasabi ng Miss Universe Organization (MUO) kung matutuloy ngayong taon ang patimpalak nila, o sa sususnod na taon na.

“Wala pang ibinibigay na petsa ang MUO. Nakatutok kami ngayon sa local na patimpalak,” sinabi ni Miss Universe Philippines (MUP) Creative Director Jonas Gaffud sa Inquirer Bandera sa isang panayam na online.

Nauna nang itinakda ng MUP ang coronation sa Okt. 25.

Nagsabi na ang Miss International at Miss World na kanselado ang mga patimpalak nila ngayong taon, at sa 2021 na idaraos ang susunod nilang edisyon. Inihayag din ng Miss Asia Pacific International sa Maynila na “indefinitely postponed” ang edisyon nito ng 2020.

Naunang itinakda ang MUP coronation noong Mayo, at inilipat sa Hunyo nang magpataw ang pamahalaan ng quarantine noong Marso upang maampat ang pagkalat ng COVID-19.

Noong Mayo, sinabi ng MUP na sa Oktubre na ito magdaraos ng patimpalak, at naglatag ng mga mahigpit na alituntunin kaugnay ng pandemya.

Saklaw ng mga alituntunin ng mga paunang paligsahan, online event, at ang mismong final contest. Doon, nakasaad na bilang lang ang mga taong makadadalo, magkakaroon ng physical distancing ang mga kalahok sa entablado at backstage, at hindi ito bubuksan para sa mga manonood nang live.

Miss Universe Cavite Kimberly Hakenson/FACEBOOK PHOTO

Miss Universe Bohol Pauline Amelinckx/FACEBOOK PHOTO

“Pangunahin sa amin ang kaligtasan ng mga kalahok at ng mga kawani sa produksyon. Kung kinakailangan, magpapatupad kami ng mga pagbabago upang tiyaking ligtas ang lahat,” sinabi ni Gaffud.

Bago humantong sa coronation, patuloy ang misyon ng MUP sa pagpili sa pinakamahusay na kandidata sa pamamagitan ng “Ring Light” series.

Sa online seryeng may walong episode, susubaybayan ang paglalakbay ng bawat isa sa 50 kalahok patungo sa korona, at ang mga proyekto nila upang makatulong sa mga nangangailangan.

“Nais naming maging makabuluhan hanggang sa susunod na mga taon. Lumipas na ang panahong pagbibigay lang ng aliw ang mga beauty pageant,” ani Gaffud.

“Nais naming pag-ibayuhin ang hangarin naming sa hinaharap, na makatulong sa mga pamayanan at samahang pinakikinabangan ng sambayanan at ng bansa,” dinagdag niya.

Nangako naman siyang magiging masaya ang serye habang itinatampok ang taglay na lakas at pagkatao ng Pilipina.

Mapupunta rin sa mga piling benepisyaryo at mga samahang katuwang ng MUP ang ilang bahagi ng malilikom mula sa subscription sa seryeng “Ring Light.” Kada kalahok may referral code upang makapag-ambag sa napili niyang tatanggap ng tulong.

Miss Universe Cebu Province Apriel Smith/FACEBOOK PHOTO

Miss Universe Iloilo City Rabiya Mateo/FACEBOOK PHOTO

Makikita ang mga referral code sa mga opisyal na Instagram account ng mga kalahok, at sa MUP Facebook page.

Ipalalabas ang serye sa www.empire.ph simula Set. 27, at maaaring mapanood sa halagang P299. Sa magsu-subscribe bago mag-Agosto 31, magagamit ang early-bird rate na P249.

“Hangad kong makapagbigay ang serye ng inspirasyon. Kabilang din dito ang preliminary at coronation, kaya magiging malaki ang papel ng serye sa pagpili ng magwawagi,” pinaliwanag ni Gaffud.

Read more...