NAGPASALAMAT sa pamahalaan ang singer-actress na si KC Concepcion dahil pinakinggan nito ang hinaing ng medical frontliners.
Isa si KC sa mga nagpahayag ng malasakit at pangamba para sa lahat ng health workers na patuloy na nagbubuwis ng buhay sa paglaban sa COVID-19 at mailigtas ang sambayanang Filipino laban sa killer virus.
Hanggang ngayon ay nasa The Farm at San Benito pa rin si KC, isa itong wellness resort sa Batangas na nagsisilbing pansamanta niyang tahanan sa panahon ng pandemya.
Ayon kay KC, buti na lang daw at hindi muna siya bumalik ng Metro Manila dahil nga muling ibinalik sa modified enhanced community quarantine ang NCR at mga kalapit probinsya nito.
Nag-post si KC ng kanyang litrato sa Instagram na kuha sa The Farm at mukha namang enjoy na enjoy pa rin ang dalaga sa lugar kahit mag-isa lang siya at malayo sa kanyang pamilya.
“Made sure I was out of Manila (the most crowded city in the world!) in case of another shutdown… Whew!
“Glad the gov’t listened to our medical experts. And glad I listened to my instincts! Lockdown round two. HOPEFULLY easier to take than the first time.
“Hang in there, beautiful people. Let’s make the most, stay healthy and… smile,” caption ng Kapamilya singer-TV host sa kanyang IG post.
Kung matatandaan, matapos ibaba sa general quarantine community ang NCR, bumiyahe agad patungo sa Batangas si KC para doon muna manirahan habang hindi pa siya pwedeng magtrabaho.