HINDI dapat malungkot o ma-depress ang sandamakmak na MayWard fans dahil may good news si Maymay Entrata para sa inyong lahat.
Kahit daw may kani-kanyang solo projects sila ngayon ng kanyang ka-loveteam na si Edward Barber ay may bonggang sorpresa pa rin sila para sa kanilang supporters.
Solo uli si Maymay sa bagong digital project ng Star Cinema na “The Four Bad Boys and Me” kung saan makakasama niya ang ilan pang promising youngstars ng ABS-CBN.
Ayon kay Maymay, may mga nagawa na rin si Edward na mga proyekto na hindi siya kasama kaya tanggap nila na hindi naman palaging sila ang magkatambal o magkasama sa trabaho.
At para kay Maymay, healthy ito para sa showbiz career nila ni Edward, “Okay lang naman po na may solo projects kami ni Edward kasi meron rin naman siyang ibang trabaho and meron ding ibinibigay sa akin na wala po siya.
“Tapos nagkakasama rin naman po kami sa iWant ASAP and may upcoming project din po kami,” ang chika ng dalaga sa panayam ng ABS-CBN.
Naniniwala ang young actress na para rin sa kanila ni Edward ang ginagawa ng management at nagtitiwala sila kung anuman ang maging plano sa kanila ng network.
“Bilang isang Maymay, kapag mag-isa lang ako, importante din sa love team na naggo-grow kayo individually.
“So, kahit last year pa, may mga proyekto na kami ng solo, like ‘yung ‘Hello, Love, Goodbye’ ko tapos si Edward sa ‘First Love’ with Sir Aga (Muhlach).
“Hindi naman mahirap, bale ang importante doon, ine-enjoy namin at ginagawa pa rin namin ang best namin kahit solo naming project,” ang paliwanag pa ni Maymay.
Ang mahalaga raw, suportado pa rin nila ni Edward ang isa’t isa at nagpapasalamat sila sa MayWard fans dahil kahit solo-solo muna sila ngayon ng young actor, hindi pa rin sila iniiwan ng mga ito.
“Suportahan sa isa’t isa, kasi ganito, every time na may solo project ako at meron din siya, minsan nagkakataon, magkasabay din mga schedule namin.
“Kaya minsan sabay pa rin kami mag-workshop, minsan mag-acting workshop pa rin kami, nagpapalitan pa rin kami ng ideas sa characters na ginagawa namin ganyan, tulong-tulong pa rin naman po,” lahad ni Maymay.
Sa “The Four Bad Boys and Me”, ibang Maymay naman ang aabangan ng manonood, “Baka ‘yung mga viewers ang ma-in love sa akin, tsaka si Direk (Joel Ferrer). Ha-hahaha! Narrator kasi ako rito at gusto ko ‘yung ginagawa ko. Parang para sa viewers and listeners, ako rin ‘yung tutulong sa kanila para mas lalo nila maintindihan ang story,” esplika ni Maymay.
Sa Aug. 27 na magsisimula ang “The Four Bad Boys and Me” na mapapanood sa YouTube channel at Facebook page ng Star Cinema.