Matapos maipasara ng kongreso at pagkaita ng bagong prangkisa, tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay nito ng saya at public service sa publiko.
Kung hindi kami nagkakamali, nauna na naman sila sa digital platform na sa pagkakaalam namin ay sa 2023 pa dapat mawawala ang lahat ng free o analog TV pero dahil hindi nga nabigyan ng bagong prangkisa ang Kapamilya nertwork kaya nag-shift na agad sa digital.
Tulad ng pangako ng Kapamilya network sa mamamayang Filipino na hindi sila iiwanan at tuloy pa rin ang serbisyo, inilunsad na ang Kapamilya Online Live, isang livestream na mapapanood araw-araw na nagsimula na kahapon.
For sure matutuwa ang lahat ng viewers dahil makakapiling na ulit nila ang mga na-miss na Kapamilya shows na mapapanood nila sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at ABS-CBN Network Facebook page nang libre.
Nakakabilib na kahit nawalan ang network ng prangkisa, talagang nag-isip sila ng paraan para mapasaya pa rin ang bonding ng pamilya ngayong new normal.
Puwede naman kasing unahin ng ABS-CBN na ayusin ang mga problema nito, pero ipinamalas na naman ng Kapamilya network na gusto talaga nilang maghatid ng saya at inspirasyon sa panahon na kailangan natin ng pampasigla.
Kahit din may mabigat na problema ang istasyon, hindi pa rin sila natitinag na manguna sa industriya. Pagkatapos ipakilala sa atin ang TV, cable TV, at ABS-CBN TVplus, heto at meron na namang Kapamilya Online Live na tiyak magbabago sa panonood ng mga Pilipino na babad ngayon sa online world.
Naniniwala ako na magtatagumpay ang Kapamilya Online Live dahil mahal ng viewers ang ABS-CBN.
Tumatatak kasi ang mga palabas ng network sa puso kaya kahit wala na ito sa TV, sure akong susundan nila ang ABS-CBN online dahil iba ang tatak Kapamilya.
Hayan pagkatapos ng halos sunod-sunod na bad news ay may good news din tayong narinig tungkol sa ABS-CBN. Sana tuloy-tuloy na ang pagbangon ng network.
Mula Lunes hanggang Biyernes, simulan ang araw kasama ang “Magandang Buhay,” “Magpahanggang Wakas,” at “MMK.” Pagdating ng tanghalian hanggang hapon, masusubaybayan ang “It’s Showtime,” “Love Thy Woman” ni Kim Chiu at “The General’s Daughter” ni Angel Locsin.
Ipapalabas naman sa unang tatlong linggo ng Kapamilya Online Live ang episodes ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ni Coco Martin na umere sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV bago ang bagong episodes sa ikaapat na linggo.
Mapapanood din sa gabi ang “100 Days to Heaven,” “Forevermore,” “Los Bastardos,” at “A Soldier’s Heart” ni Gerald Anderson.