NANINIWALA si Michael V na super powerful pa rin ng taimtim at sama-samang pagdarasal sa lahat ng pagkakataon.
Unti-unti nang bumubuti ang kundisyon ngayon ng Kapuso comedian matapos siyang tamaan ng COVID-19 at mag-self quarantine nang ilang araw sa loob ng kanyang kwarto.
Ayon kay Bitoy, bumabalik na raw ang kanyang pang-amoy na unang nawala nang dapuan siya ng killer virus kasabay ng pagkawala ng kanyang gana sa pagkain.
Kasabay nito, halos wala na rin daw siyang nararamdamang sintomas ng COVID-19 kaya feeling niya tuluy-tuloy na ang kanyang paggaling.
“Yung pang-amoy ang nakakatawa, kasi may pang-amoy na ako. So, hindi pa rin siya 100% pero at least…
“Nu’ng isang araw nagluluto ng hamburger ‘yung kasambahay namin, naamoy ko from this room. Pero nu’ng isinerve na sa akin, nu’ng binigay na sa akin, hindi ko na maamoy from this distance. So, magulo talaga,” ang natatawang kuwento ni Bitoy sa panayam ng GMA.
Ayon pa sa komedyante, kailangan talagang triple ang gawing pag-iingat ngayon ng publiko para hindi tamaan ng COVID-19 dahil hindi talaga biro ang nasabing sakit.
Pinayuhan din niya ang lahat ng COVID patients na magpakatatag lang at huwag mawalan ng pananampalataya.
“Isa sa mga pangunahing contributor ng COVID is ‘yung stress, eh. So talagang dapat kapag nakaramdam ka, kapag may symptoms ka, nagpa-test ka at positive ka dapat gumawa ka ng paraan para hindi ka ma-stress during the time na naka-quarantine ka,” pahayag ni Bitoy.
Sa tanong kung handa rin ba siyang mag-donate ng dugo para sa iba pang may COVID, “‘Pag completely naka-complete na ako nu’ng 14 days I think the responsible thing to do is just that, mag-donate para makatulong sa ibang mga kababayan natin at makatulong sa siyensiya.
“Siguro kahit paano may maiambag ‘yung plasma ko, ‘yung dugo ko para makahanap ng gamot or lunas dito sa sakit na ito,” aniya.
Looking forward si Bitoy na matapos na niya ang kanyang 14-day quarantine para maging normal na uli ang kanyang pamumuhay. Kasabay nito, nagpasalamat din siya sa lahat ng nagdasal para sa kanyang paggaling.