outbrain

Grupo ng doktor nanawagan kay Duterte: Ibalik ang Mega Manila sa ECQ

By Karlos Bautista August 01,2020
share this

Grupo ng doktor nanawagan kay Duterte: Ibalik ang Mega Manila sa ECQ

By Karlos Bautista August 01,2020 - 02:50 PM

Mobile COVID testing

Nanawagan ang isang grupo ng mga doktor kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipailalim ang Mega Manila sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ).

“Iminumungkahi namin na ang dalawang-linggong ECQ ay gamitin bilang ‘pansamantalang pahinga’ para pinuhin ang mga estratehiya sa pagkontrol ng pandemya,” ayon sa bukas na liham kay Duterte ng Philippine College of Physicians (PCP).

Nagbabala ang grupo na  bugbug-sarado na ang sistemang pangkalusugan ng bansa at patungo na sa pagkatalo ang laban sa coronavirus.

“Ang laban sa COVID-19 ay patungo na sa pagkatalo, at kailangan na nating gumawa ng consolidated at definitive plan of action,” ayon sa PCP na may 9,111 myembro sa buong bansa.

“Dahil dito, kami, bilang inyong frontliners ay nananawagan sa pambansang pamahalaan na ibalik ang Mega Manila sa Enhanced Community Quarantine sa loob ng dalawang linggo, mula Agosto 1 hanggang 15,” dagdag pa ng grupong kinabibilangan ng fellows at diplomates.

Nakapaloob sa Mega Manila ang mga rehiyon ng Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at Mimaropa.

Nabahala anya ang PCP sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.

“Nasaksihan namin ang tuluy-tuloy na pagtaas ng bilang ng impeksyon at ito, kabilang na ang ibang pangyayari, ay nagtulak sa  amin para umaksyon na ngayon at sa mabilis na paraan,” wika pa nito.

“Ang aming healthcare workers ay nagkakasakit na habang nag-aaruga ng mga may karamdaman, tumatalima sa tawag ng panunungkulan habang binabaka ang takot at agam-agam na dulot ng COVID-19,” ayon pa sa grupo.

Sinabi pa ng PCP na bugbog na ang mga health workers “sa animo’y walang katapusang bilang ng pasyenteng dumadagsa sa aming mga pagamutan.”

Ang PCP ay isang affiliate society ng Philippine Medical Association. 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending