Duterte iginiit na di biro ang rekomendasyong gas bilang disinfectant; grupo ng chemists pumalag

No joke: Duterte says on suggestion to use ‘gaas’ as disinfectant

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi sya nagbibiro sa pagsasabing maaaring gamitin ang gas bilang disinfectant laban sa coronavirus, bagay na di sinang-ayunan ng isang grupo ng mga chemists sa bansa.

“Totoo yang sinabi ko. Alcohol, pag walang alcohol na available … magpunta ka lang dyan sa gasoline station. Pagkatapos pwede ka magpatulo. That’s disinfectant,” wika ni Duterte sa kanyang pahayag na inere sa telebisyon noong Biyernes.

Dati nang sinabi ito ni Duterte noong nakaraang linggo. Ayon sa Pangulo, kung walang disinfectant ay maaaring gamitin ang gasolina.

“‘Yung wala, ibabad mo sa gasolina o diesel. Putang-inang COVID na ‘yan, ‘di uubra ‘yan diyan. Totoo, if you want disinfection, maghanap ka ng gasolina. Babad mo ‘yung kamay mo. Layo mo lang, huwag sa loob ng bahay ‘nyo,” wika ni Duterte sa pagpupulong nga mga opisyal ng coronavirus task force.

Pero ayon sa Palasyo, biro lamang ang pahayag na ito ng presidente.

“Kayo naman apat na taon na si Presidente, parang hindi niyo pa kilala si Presidente. Joke only! Bakit naman tayo maghuhugas ng gasolina,” paliwanag ng tagapagsalita ng pangulo na si Harry Roque sa press briefing sa Malacañang noong Hulyo 22.

Bwelta naman ni Duterte, “Hindi ako nagbibiro.”

“Para sa inyo na hindi nakakaintindi, sa totoo lang hindi ako nagbibiro. Totohanan yon. Akala nyo nagbibiro lang ako,” giit nya.

“[Sabi nila], si Duterte luku-luko, gago. Kung luku-luko ako, ikaw na sana ang nag-presidente at hindi ako,” anang Pangulo.

Mahigpit na nagbabala ang Integrated Chemists of the Philippines sa panganib na pwedeng idulot ng paggamit ng gas bilang disinfectant.

“Pinapaalalahanan ng ICP ang lahat na HINDI ginagamit ang gasolina upang gawing panlinis o disinfectant ng mga bagay-bagay,” ayon sa pahayag ng grupo.

“Makasasama ito sa tao lalo na kapag nalanghap ang singaw nito,” dagdag pa nito.

Ayon naman sa United States Centers for Disease Control and Prevention, ang paglanghap ng gasolina ay maaring maging sanhi ng allergies gaya ng dermatitis. Ang matagalang namang contact dito ay pwedeng magresulta ng pamumula ng balat, paltos at first- and second-degree burns.

Read more...