John Regala humiling ng tulong: Ako po’y nahihiya pero kakapalan ko na po ang mukha ko

IYAK nang iyak ang veteran actor na si John Regala habang nagpapasalamat sa delivery driver na nagmalasakit at tumulong sa kanya.

Napatunayan daw niya na may mga taong mabubuti pa rin ang puso na handang tumulong sa kapwa nang walang hinihinging kapalit.

Ayon kay John, kung hindi raw dahil kay Carlo Clariza, na siyang umalalay sa kanya matapos mahilo at manghina sa isang kanto sa Pasay City.

Inamin ng magaling na kontrabida sa telebisyon at pelikula na meron siyang liver cirrhosis at dalawang linggo na siyang hindi kumakain na naging sanhi ng kanyang matinding pagkahilo.

Hindi napigilan ng aktor ang maiyak nang ma-interview ng ABS-CBN habang nagpapasalamat sa food delivery rider na nagpakita ng malasakit sa kanya.

“Carlo, actually nabangga ko pa ‘yung motor mo kasi hilong hilo ako kasi 13 araw na akong hindi kumakain.

“Hindi mo ako iniwanan. Bihira ‘yung ganun kaya maraming maraming salamat sa ‘yo. Tinatanaw kong utang na loob ‘yun,” pahayag ni John sa nasabing panayam.

Ayon kay Carlo Clariza, namukhaan niya agad ang aktor nang makasalubong niya ito sa isang kalye sa Barangay 183 sa Pasay City.

“May hinihintay daw siyang nurse kaso umalis daw po. Sabi niya po, kahit pumunta lang daw po ako sa barangay para humingi ng tulong.

“Agad naman po akong lumapit sa mga tanod at pulis. Humingi po ako ng tulong para mabigyan po siya ng aksyon. Tinulungan naman po siya ng tanod,” ayon sa delivery driver.

Kuwento naman ni John sa interview, “Meron akong liver cirrhosis. Sugat sugat ang aking atay at may tubig na ang aking tiyan. Kailangan matanggal ‘yung tubig na ‘yun.”

Nanawagan din siya ng tulong sa mga taong may mabubuting puso, “Ako po ay nahihiya pero kakapalan ko na po ang mukha ko. Bawat tao naman po ay dumadaan sa ganitong sitwasyon.

“Sana po kung hindi naman kalabisan sa inyo, pakitulungan naman po ako. Nagpapakumbaba po ako ng labis-labis. Gusto ko lang po talagang makapag-hanapbuhay.

“Itong nalalabi kong buhay po, igugugol ko na lang po sa paglilingkod sa Diyos at sa paghahanapbuhay,” aniya pa.

Read more...