Heart champion din sa putukan; Zia singer na, drummer pa

 

 

KAHIT super busy sa pagiging governor ng Sorsogon, hindi pa rin pwedeng mawalan ng oras si Chiz Escudero para sa kanyang misis na si Heart Evangelista.

 

Masayang nag-bonding ang mag-asawa sa isang firing range kamakailan kung saan sinubukan uli ni Heart ang nalalaman niya sa paghawak at pagputok ng baril.

 

Sinusulit talaga nila ang bawat oras ng muli nilang pagsasama matapos hindi magkita ng ilang buwan dahil sa lockdown.

 

Sa Instagram ng Kapuso actress, ibinahagi niya ang mga litrato at video na kuha sa naging bonding time nila ni Chiz.

 

“So glad I got to spend some alone time with this guy. #MahalKongSorsogon,” caption ni Heart sa kanyang IG post.

 

Magkasama at busy ngayon sina Heart at Chiz sa patuloy na pagtulong sa mga kababayan nila sa probinsya.

 

Bukod diyan, aliw na aliw rin ang aktres sa pagdiskubre ng mga local handcrafted products sa Sorsogon at kitang-kita naman ito sa mga updates niya sa social media.

* * *

Sinusulit talaga ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes ang bonding time niya kasama ang kanyang pamilya.

 

Sa latest Instagram stories ng “Amazing Earth” host, mapapanood si Zia na nagpe-play ng drums habang maririnig sa background ang boses ni Dingdong na nakabantay at nagtuturo sa anak.

 

Ipinakita pa ni Dingdong ang laptop na may “Nirvana” track na maaaring ginamit nila na inspirasyon para sa kanilang drum session.

 

Sa murang edad ay napakarami nang alam gawin ni Zia, mula sa mga gawaing bahay at pagtulong sa pag-aalaga sa younger brother niyang si Ziggy hanggang sa pagkanta at pagtugtog ng musical instruments.

 

Kaya huwag na tayong magtaka kung isang araw ay pumagitna na rin sa stage ang panganay nina Dingdong at Marian Rivera bilang total performer.

 

Samantala, panoorin ang fresh episodes ng “Amazing Earth” tuwing Linggo, 5:25 p.m. sa GMA.

Read more...