NIRERESPETO ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Dino ang desisyon ng Metro Manila Film Festival Executive Committee na tanggalin siya sa puwesto.
Pero hindi raw siya sang-ayon sa prosesong ginawa ng grupo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Danilo Lim para mapatalsik siya bilang member MMFF execom.
Kinuwestiyon ng asawa ni Ice Seguerra ang post ni MMDA spokesperson Celine Pialago kung saan inakusahan ang FDCP na sinusulot ang pagpapatakbo ng MMFF mula sa MMDA.
“We just attended the executive committee meeting that Friday. Before, wala namang sinabi sa amin about the whole issue or any concern. MMDA is also part of the FDCP council.
“They are a board of trustee. So, as government agencies, there are proper processes by which these concerns should be raised,” simulang pahayag ng dating beauty queen sa panayam ng ABS-CBN.
“For the last 30 years po, kahit na ang original presidential proclamation natin ay ang sinasabi Metro Manila lang po ang coverage ng MMFF at 10 days lang po instead of 14 days, ang practice po natin ay buong Pilipinas po ang nagpapalabas ng MMFF, at two weeks po siya instead of 10 days.
“In 2016, because the movies were not performing in comparison to how films were performing in the previous years, ni-reference po yung provision po ng law na yun originally para paikliin ang duration at ilimita sa Metro Manila ang pagpapalabas,” lahad pa niya.
“We created a proposal for an executive order and a position paper on why there is a need to expand and extend the MMFF to cover a two-week run and to cover the entire Philippines officially.
“Nasa mandato po namin mismo yung establishment, operation and pag-run ng film festivals. And of course, as the national film agency of the country, a film festival that’s very integral in shaping the Philippine film industry, rational lang po talaga na nasa ahensya po ng FDCP ang MMFF,” pahayag pa ni Liza.
Pagpapatuloy pa niya, “Of course, we will respect the decision of the board, we will respect the decision of the MMFF. But as a government agency, there are proper processes on this because siyempre po, unintentionally, nata-tarnish po yung pangalan ng FDCP on something na wala po kaming kinalaman right now.”
May nakatakdang pag-uusap sa pagitan ng FDCP at MMDA pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.