Kumalat ngayong araw ang balitang namatay na rin daw ang award-winning singer-songwriter na si Ogie Alcasid.
Isang fake news item mula sa isang website ang bumandera sa Facebook kaninang hapon na mismong si Ogie ang nakabasa.
Nakalagay sa title nito ang mga katagang, “Ogie Alcasid Natagpuang patay sa loob ng kanyang sasakyan.” Ginamit pa ng nag-upload ng pekeng balita ang logo ng GMA News TV at ang litrato ni Ogie na may dalawang magkadikit na sasakyan.
Ni-repost ito ng Kapamilya singer sa Instagram at nilagyan ng caption na, “Pls do not believe this. It is #fakenews i did not want to show the name of the person who posted it but i just want to inform everyone that i am ok. Magmahalan naman po tayo.”
Hindi rin ito pinalampas ng kanyang asawang si Regine Velasquez at talagang kinastigo ang nagpakalat ng death hoax.
Pahayag ng Asia’s Songbird, “Bakit naman kailangan gumawa ng ganitong balita. Alam namin at tangap na namin na parti na ng aming buhay ang pagusapan kami mahirap pero kasama talaga ito sa trabaho namin.
“May pamilya po kaming maaaring mag alala kung ito ay mabasa nila. Kaya pakiusap po wag naman. To our families and friends this is a fake news Ogie is home safe and healthy. God bless Po,” aniya pa.