SIGURO sa sobrang siba ng legislator na ito, hindi na niya inisip na nagkaroon ng paper trail ng ebidensya ang kanyang corruption. Ito ang naisip ko matapos ibulgar ni Atty Levy Balingod, abugado ng whistleblower na si Benhur Luy, sa BANNER STORY, Radyo Inquirer 990 ang mga accounting entries ng JLN Company mula 2003 hanggang 2011. Ilang mid level officials ng Dept. of Agriculture, Dept pf Agrarian Reform, Technology Resource Center at marami pang iba, ang tumanggap din ng cash at marahil ay naniguro. Pero ang hindi nila alam sila ay nakalagay sa accounting ledger ng kumpanya na ngayon ay hawak na ng mga prosecutors ng DOJ.
Ano ba ang ibang laman ng Napoles’ Metrobank Account No. 073-3-07352390-8 ? Paano kaya natin malalaman ang mga pangalan ng mga mambabatas na ito na tumanggap ng mga tseke dito at sa LANDBANK account din ng JLN Group of Companies ni Napoles kung saan nagpa -Cash din ang ilang Dept. ASEC at USEC? Kasama bang tumanggap ng cash o tseke ang 28 legislators kabilang na ang limang senador? Parang di ko na mahintay tuloy ang pagsasampa ng demanda ng NBI at DOJ na sabi ni Sec de lima ay sa loob lamang ng ilang linggo ay magkakaalaman na.
Marami pang tanong na dapat sagutin, pumasok ba ito sa account ni senador o congresssman? Dito ba sa account ng pulitiko pumapasok ang mga lagay o commission ni sir or mam? Pwede bang busisiin iyan ng sambayanan ng tulad ng pagbusisi natin noon sa bank account ni impeached SC Chief Justice Renato Corona?
Napakaganda po sana kung merong public hearing para malaman ng taumbayan ang kagimbal-gimbal na detalye ng pagnanakaw ng salaping bayan, partikular ang mga senador at kongresista. Hindi po ba magandang panoorin sina Senador Jinggoy Estrada , Bong Revilla at iba pa na nagpapaliwanag “live” sa media , kung paano napunta kay Napoles ang daan daang milyon piso nilang “pork barrel”? Hindi po ba magandang malaman natin ang paliwanag ng mga halal ng bayan kung totoo nga na 70-30% ang hatian kung saan ang 70% ay napupunta sa legislator at 30% kay Napoles?
Hindi po ba magandang malaman ng publiko sa pamamagitan ng televised na hearing, kung napunta nga sa mga mangingisda, magsasaka at mahihirap ang pork barrel?
Pero malabong mangyari ito kasi mismong ang Senado at Kamara ay ayaw imbestigahan ang anomalya. Sabi ni Senate President Franklin Drilon, hindi raw magiging kapanipaniwala sa taumbayan ang kanilang imbestigasyon. Sabi naman ni Speaker Sonny Belmonte, hayaan na lang ang NBI na magsiyasat dito. Ganoon din ang sabi ng Malakanyang, hayaan ang NBI.
Kung ganoon, sino pa ang magbabantay ng pera ng sambayanan kung ganito palagi ang katwiran ng Senado, Kamara at Malacanang?
Sa totoo lang, matindi ang galit ng publiko sa pambababoy sa pondo ng bayan. Mismong si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ay napaiyak sa iskandalo. Saan kumukuha ng kapal ng mukha ang mga mambabatas at mga Cabinet members para i-cover up ang anomalyang ito?
Kung ako si Pangulong Aquino na tuwid na daan ang pinangangalandakan, ang gagawin ko ay ipapa-televised ko ang public hearing sa isyung ito. Magbubuo ako ng independent probe panel ng mga respetadong sibilyan para imbestigahan ang anomalyang ito ayon sa tinutungo ng ebidensya at walang bahid pulitika. Sana.
Mr President ,ang nakataya rito ay ang tiwala ng taumbayan sa mga institusyon lalot ang mga akusado ay mga taga-Gobyerno, senador, congressman, cabinet member at iba pa. Hindi ako magtataka kung manalangin ang ilan na isang ” vigilante group” ang lilitaw para lipulin ang mga magnanakaw na ito at pagkukurutin hanggang atakihin.
Editor: May tanong o komento ba kayo sa artikulong ito? I-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.