Ika-92 kaarawan ni Dolphy, ginunita ng Google

Happy Birthday sa Hari ng Komedya!

Ginunita ng Google ang ika-92-taong kaarawan ni Rodolfo Quizon o Dolphy, ang tinaguriang “Hari ng Komedya” ng bansa.

Sa pamamagitan ng Google Doodles, nagbigay-pugay ang giant search engine kay Dolphy. Nakalagay ang kanyang caricature sa logo ng Google sa araw na ito, Hulyo 25.

“Ang Doodle ngayong araw ay gumugunita sa ika-92 na kaarawan ng Pilipinong komedyante, artista, producer at pilantropo na si Rodolfo “Dolphy” Quizon, ang tinaguriang “Hari ng Komedya” ng bansa,” ayon sa Google.

“Bilang star  ng mahigit sa 200 pelikula at di mabilang na teleserye, milyong Pilipino ang nagmahal kay Dolphy sa loob ng mahigit anim na dekada,” wika ng Google.

Ipinanganak si Dolphy sa Maynila noong Hulyo 25, 1928. Sa murang gulang, nagtitinda siya ng mani at butong pakwan sa mga sinehan. At sa panonood ng libreng pelikulay, nagsimula siyang mangarap na pasukin ang pinilakang-tabing.

Sa gulang na 19, nagkaroon si Pidol ng pagkakataong gumampan ng maliit na papel sa isang pelikula. At wika nga, the rest is history.

Kabilang sa kanyang mga matagumpay na teleserye ay ang “Buhay Artista” noong 1960s at “John en Marsha” noong 1970s hanggang 1980s. Sumunod dito ay ang “Home Along da Riles.”

Nagtamo si Dolphy ng maraming parangal sa kanyang mga ginampanang karakter sa pelikula at telebisyon. At bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa industriya ng pelikulang Pilipino, ginawaran din si Dolphy ng Grand Collar of the Order of the Golden Heart noong 2010.

Pumanaw si Dolphy noong Hulyo 10, 2012 sa gulang na 83.

Read more...