NAPANOOD naming nagkukuwento ang isang vlogger sa kanyang YouTube channel na mas pinaboran daw ng TV5 ang APT Entertainment kaya sa kanila napunta ang primetime slot.
Ang mga programang “Fill in the Banks” nina Jose Manalo at Pokwang ang mapapanood tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes sa ganap na 7 p.m. at ang “Bawal na Game Show” naman nina Wally Bayola at Paolo Ballesteros ang eere tuwing Martes, Huwebes at Sabado, 7 p.m..
Pinik-ap ng vlogger ang nasulat namin dito sa BANDERA nitong Linggo, Hulyo 19 at ito ang ibinigay niyang dahilan kaya raw tinanggihan ng TV5 si Coco Martin sa primetime.
Talagang “napa-huh” kami sa sinabi ng vlogger! Saan kaya niya nakuha ang kuwentong nag-apply si Coco sa TV5?
Sa Agosto na ang re-launch ng network para sa mga bago nilang shows sa entertainment department at wala kaming nabalitaan na inalok ng mga executives ng TV5 si Coco para lumipat sa kanila.
Mukhang kinulang sa research ang vlogger dahil paano nga lilipat o nag-apply si Coco sa TV5, e, nagte-taping at umeere pa ang “FPJ’s Ang Probinsyano” sa iWant, YouTube, TFC online at Sky Cable?
Bagama’t nabalitang hanggang Setyembre na lang ang aksyon serye ng aktor, pero wala pa ring kumpirmasyon dahil nga tuluy-tuloy pa rin ang taping nila.
Samantala, base sa inilabas na first four official entries (script category) ng Metro Manila Film Festival 2020 ay walang pelikula si Coco Martin. ang kaibigan niyang si Vice Ganda lang ang mayroon, ang “Praybeyt Benjamin 3” mula sa Star Cinema at Viva Films.
Sa madaling salita ay hindi sasali si Coco ngayong MMFF bagay na nakasanayan na rin ng mga batang supporters niya.