Tekla nangatog sa ika-2 operasyon ng anak: Ang galing-galing, ang strong ng baby ko

 

PATULOY na nagdarasal ang TV host-comedian na si Super Tekla para sa tuluyang pagbuti ng kundisyon ng bagong silang na anak.

Kahapon, muling sumailalim sa operasyon si Baby Angelo kasabay ng pagsapit ng kanyang unang buwan. Unang inoperahan ang sanggol noong June 26 ay maayos naman itong nagawa ng mga doktor.

Ayon kay Tekla, matinding kaba na naman ang naramdaman niya habang inooperahan ang anak pero mas nanaig ang kanyang kaligayahan dahil isang buwan na ngayong lumalaban ang sanggol.

Ilang surgery ang kailangang pagdaanan ni Baby Angelo matapos nga itong ipanganak na walang butas ang puwit (anorectal malformation).

“Sobrang kaba at nangangatog ang buong katawan ko. Sa sobrang kaba dinadaan ko nalang sa tawa at pinapatibay ang loob ko sa pamamagitan ng inyong mga dasal.

“As of 1:49 P.M. natapos na ang neurosurgical operation ni baby Angelo.

“Aantay nalang kami lumabas mga doctor pero wala pa rin tigil ang kaba ko sa ngayon. Mag-update ulit ako paglabas ng mga doctor niya sa O.R,” pahayag ni Tekla sa kanyang Facebook account.

Ipinost din ng Kapuso comedian ang video call kung saan mapapanood ang pakikipag-usap niya sa anak na nag-celebrate nga kahapon ng kanyang first month.

“I love you anak, Angelo. I love you. Ang daming nagmamahal sa’yo anak, ‘no. I love you ‘nak. Ang galing-galing naman, ang strong-strong naman. Love you. Pagaling ka ha,” mensahe ni Tekla sa anak.

Wala nang poproblemahin si Tekla sa mga gagastusin sa pagpapagamot kay Baby Angelo dahil na rin sa tulong ni Willie Revillame at sa natanggap na donasyon mula sa online fundraising concert ng mga kapwa Kapuso stars.

Read more...