May mga nang-uurot kasi kay Alex na isa raw siya sa mga pinariringgan ni Angel tungkol sa mga artistang walang ginagawa at basta dedma lang sa tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN.
Pinatutsadahan ni Angel ang mga kapwa Kapamilya stars na nagsabing natatakot silang mahawa sa COVID-19 kaya hindi sila sumasali sa pagpoprotesta sa kalye ng mga empleyado ng ABS-CBN.
Isa si Alex sa mga artistang nagpahayag ng pangamba sa paglabas ng bahay para makilahok sa mga protest rally. Aniya, “Hindi ako takot lumaban, pero takot ako sa nanay ko at sa COVID.”
Sa isa namang pahayag ni Angel, ipinagdiinan nito na hindi kailangang lumabas o mag-join sa isinagawa nilang rally sa compound ng ABS-CBN. Dagdag pa niya, “Iba ‘yung takot sa COVID, iba ‘yung ayaw lang talaga.”
At bago pa nga lumala ang pang-iintriga sa kanila ni Angel, nag-tweet na si Alessandra tungkol dito.
“Please ‘wag kami (ni Angel). Mahal ko siya at iba respeto ko sa tapang niya.
“Sa totoo lang, paano ba siya puwede pasalamatan sa mga nagawa n’ya para makatulong sa bansa? Lahat ng sulok, narating niya.
“Bilib ako, pero hindi ako siya. May respeto rin siya sa akin na takot lumabas,” mensahe ni Alex.
Dugtong pa niya, “Nakikiusap ako sa mga gumagawa ng gulo at headline. No! Mahal ko ‘yan! Kung may gusto akong sabihin sa kanya, itatawag ko na lang. Ba’t magpaparinig? Iba siya, iba ako. Iba laban niya, iba din sa akin.”
Hirit pa niya, “Magkakampi si Darna at Valentina sa totoong buhay. I love you Angel ng lahat!” na ang tinutukoy ay ang mga ginampanan nilang role sa TV series na “Darna” na napanood sa GMA noong 2005.
Sa huli nakiusap si Alex ng respeto mula sa netizens, “’Wag ako. ‘Wag kami. ‘Wag ngayon. Hindi ito ang tamang oras para magsisihan at magpagalingan. Kanya kanya ‘to. Respeto.”
Bilang tugon sa pahayag ni Alessandra, nag-post naman si Angel sa kanyang Instagram Stories ng, “Sukat na ng panahon… Respeto’t pagkakaibigan. Hindi magagapi ng kasamaan.”