Angel nag-sorry sa mga kapwa Kapamilya stars; cable TV, channels nanganganib na rin?

NAG-SORRY si Angel Locsin sa lahat ng na-offend o na-hurt sa naging panawagan niya sa mga kapwa artista na magsalita at manindigan para sa ABS-CBN.

Pero ipinagdiinan ng aktres na pinaninindigan niya ang kanyang mga sinabi sa ginanap na rally ng mga empleyado ng Kapamilya Network.

Sa kanyang Instagram page, nilinaw ng aktres na ang panawagan niya sa iba pang artista ng ABS-CBN para magsalita ay hindi nangangahulugan na kailangan din silang lumabas mag-join sa mga rally.

“There are many ways to show support. Iba ‘yung takot sa COVID, iba ‘yung ayaw lang talaga,” simulang mensahe ni Angel.

Dugtong pa niya, “Kung may na-offend, I apologize dahil nasaktan ko kayo. Pero hindi dahil sa sinabi kong magsalita kayo.

“Dahil kailangan talaga nating magsalita ngayon. Magkaisa tayo at ‘wag magpagamit,” aniya pa.

Nauna rito, nag-post din siya ng mensahe para sa lahat ng mga kumukuwestiyon sa kanyang paninindigan para sa kanyang mother network.

“Obviously, you don’t need to go out to use your voice for the voiceless. But making up an excuse to save face at the expense of those who are fighting for their lives is purely disgusting,” sey ng aktres.

* * *

Mahigit 1,000 cable TV operators sa bansa ang maaaring magsara kung babawiin ng gobyerno ang batas na pinapayagan silang magpatuloy ng operasyon kahit walang prangkisa.

Kung mangyayari ito, mawawalan ng cable TV ang milyong-milyong Pilipino. Damay ang iba’t ibang local cable TV channels na mawawalan ng viewers gaya ng Pinoy Box Office, Cinema One, MYX, The Tagalized Movie Channel at K Movies Pinoy.

Damay din siyempre ang mga artista at producers kung sakaling magkatotoo ito dahil mawawalan din sila ng trabaho.

May lumabas kasing balita na nakikipag-usap ang National Telecommunications Commission kay Soliticor General Jose Calida tungkol sa nasabing batas.

Matatandaan sa nakaraang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN na pinagbantaan ni Rep. Rodante Marcoleta si NTC commissioner Cordoba na kakasuhan siya kung ipipilit pa rin niya ang Executive Order 205 na inisyu ng dating Pangulong Cory Aquino.

Kinuwestiyon din ni Marcoleta kung bakit hindi pa nagsasara ang SKYcable at tinanong ang NTC kung bakit wala pa itong aksyong laban sa kompanya matapos mapaso ang prangkisa nito noong Marso.

Sa isang TV interview, nagbabala si Philippine Cable Telecommunications Association (PCTA) president Joel Dabao na talo ang subscribers nila kung sakaling matuloy ang nasabing hakbang.

“Pag may mangyari sa SKYcable malamang mangyayari na rin sa aming lahat,” ani Dabao. “Yung kawawang subscriber namin na kinabitan namin ng internet na wala ng ibang choice kundi sa amin at kung walang mapapanood na channel kundi galing sa amin ay mawawalan ng balita at edukasyon lalo na sa panahon ngayon,” dagdag niya.

Ayon kay Dabao, imbes na prangkisa, permit kada lugar ang kanilang hinihingi sa NTC.

Nitong weekend, naging usap-usapan at nag-viral sa social media ang mga clip ng isang Zoom meeting kabilang ang mga kongresistang kontra sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Read more...