“SUPERWOMAN” na ang tawag ngayon kay Heart Evangelista ng kanyang fans and social media followers.
Feeling kasi nila ay hindi na nagpapahinga ang Kapuso star mula sa pag-aabot ng tulong sa mga Pilipinong apektado ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Kasalukuyan niyang sinasamahan sa probinsya ng Sorsogon ang asawang governor na si Chiz Escudero para mamahagi ng ayuda at donasyon.
Kamakailan lang, ibinahagi ni Heart sa kanyang latest vlog ang mga ginawa ng kanyang team sa Sorsogon, katulad ng personal niyang pagbibigay ng wheelchair sa isang stroke patient na lola.
Bukod sa pagtulong, ine-enjoy rin ni Heart ang mga magagandang tanawin at tourist spots sa probinsya na aniya’y nakapagpapagaan ng kanyang pakiramdam sa gitna ng napakaraming problema ng bansa.
Mapapanood din sa vlog pamimili niya ng iba’t ibang klase ng home decor na proudly Pinoy-made.
* * *
Game na game namang ipinasilip ni Rocco Nacino sa kanyang fans ang ipinagagawang bagong bahay.
Sa panayam ng 24 Oras, ipinakita ng Kapuso actor ang estado ng construction ng kanyang dream house.
Ilan sa mga ipinakita niya ay ang dining room, family hall, office, at iba pang parte ng bahay.
Ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang construction ng kanyang dream house kung saan tumutulong na rin siya sa ilang mga gawain matapos pansamantala umanong natigil ang pagpapagawa nito dahil sa community quarantine.
Ikinuwento rin ni Rocco na nag-overnight na siya sa kanyang bahay. Ang gamit niyang kama ay ang dinadala umano niya sa taping ng Descendants of the Sun PH.
Aniya, “Dito ako natulog for the first time kagabi. Masaya, natakot ako pero ano ‘yun masaya, magandang experience.”
May natutunan din siyang “adulting” lesson sa pagpapagawa ng bahay, “Nagbago ‘yung pananaw ko sa pera. Kung gaano kahalaga yung pag-iipon, pagtitipid, siyempre hindi pagiging kuripot pero ‘yung tamang pagtitipid.”