BUMUHOS ang dasal at “get well soon” message sa social media para kay Michael V matapos itong magpositibo sa COVID-19.
Mula sa mga kaibigan niya sa showbiz hanggang sa mga fans and netizens, lahat sila’y nangakong ipagdarasal ang full recovery ng Kapuso comedian.
Sa latest vlog ni Bitoy sa YouTube, kinumpirma niyang tinamaan siya ng COVID-19 at kasalukuyang naka-quarantine sa isang kwarto sa kanilang bahay.
Ngayon napatunayan ni Bitoy kung gaano talaga kahirap ang dinaranas ng isang may COVID, hindi lang daw ang virus ang kailangan mong labanan kundi pati na rin ang matinding kalungkutan at pagka-miss sa iyong pamilya.
Sinabi ni Michael V sa kanyang vlog na napakahirap na mahiwalay sa kanyang asawa at mga anak, ngunit kailangang gawin para hindi mahawa ang mga ito.
“Gabi na naman, katatapos ko lang kausapin ‘yung panganay ko si Milo, siya ‘yung lagi niyong nakikitang nandito sa loob kasama ko nagse-set up dito sa studio,” emosyonal na pahayag ng comedian-TV host.
Tuluy-tuloy nang tumulo ang luha ng komedyante nang mapag-usapan na ang sitwasyon niya ngayon at ang pinagdaraanan niya habang “nakakulong” sa kwarto.
“Mahirap pala, ‘no? Lumipas na naman ang isang buong araw na ‘di mo sila nayayakap, ‘di mo sila nahalikan, hindi mo lang sila nakita.
“Buti na lang may Face Time, buti na lang may Messenger. Pero ‘yun, at the end of the day, na-realize mo na lumipas na naman ang isang araw na mag-isa ka,” mensahe ni Bitoy.
“Siyempre nag-isolate na kaagad ako, nag-quarantine na kaagad ako. I took medicine nagpa-check up ako sa doctor online, I got better the following day,” pahayag ni Bitoy sa kanyang vlog.
Sa pakikipag-usap ng TV host-comedian sa isang hospital staff sinabi niyang, “Right now, fever na lang. Yung loss of smell, parang nare-regain ko na. So, 15 days after.
“Positive just as what we suspected early on. Alam kong hindi normal yung nawala yung pang-amoy ko, and I was counting na may kinalaman talaga yun sa COVID,” kuwento ni Michael V.
Ang YouTube entry na “Bitoy Story 29” ay mabilis na nag-viral at sa loob lang ng walong oras ay nakahamig agad ito ng 1 million views.