Fan page nina Bea, Sarah at Piolo sa socmed inalok ng pera; may konek ba sa pagsasara ng ABS-CBN?

 

 

“KAYO na ang humusga!”

Ito ang pahayag ng Kapamilya actress na si Bea Alonzo matapos mabuking ang “modus” ng ilang sindikato sa social media.

Nagsumbong kay Bea ang kanyang supporters na may mga taong gustong bilhin ang ilan sa mga fan pages niya sa iba’t ibang digital platforms.

Ipinaalam ito ng aktres sa madlang pipol sa pamamagitan ng Instagram kung saan ilang tagasuporta niya na nagma-manage ng fan pages na may maraming followers ang nakatanggap ng offer na ibenta na ang kanilang accounts.

“Had to post this. Woke up to these messages from my supporters. I wonder why these people would offer to buy these accounts all of a sudden? For what?” post ni Bea sa Instagram Story.

Bukod dito, napag-alaman din ng dalaga na hindi lang ang mga fan pages niya ang nakatanggap ng nasabing offer kundi maging ang iba pang fan groups ng mga kilalang Kapamilya stars.

“Also heard that (different) fan groups of (different) ABS-CBN artists received the same offer today. You be the judge,” pahayag ni Bea.

Ilang oras lang matapos mag-post ang aktres tungkol sa “raket” ng ilang sindikato sa socmed, ibinandera na rin ng mga fan groups ng ilan pang Kapamilya stars na inalok din sila na i-give up na ang kanilang accounts kapalit ng malaking halaga.

Kabilang na rito ang mga fan accounts para kina Sarah Geronimo at Piolo Pascual.

Ang paglantad ng ganitong klase ng karaketan sa social media ay kahina-hinala raw lalo na ngayong mainit pa ang issue sa tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN.

Kanya-kanyang post ngayon ang mga artista ng istasyon para ipagtanggol ang kanilang “tahanan” kasabay ng pagbatikos sa mga kongresistang bumoto ng YES para hindi na mabigyan ng bagong prangkisa ang TV-radio network.

Read more...