SA pagpapasara ng ABS-CBN, ang pamilyang Lopez nga ba ang maghihirap?
Para kay Vice Ganda, hindi. “Mali ang natarget nyo. Mali ang pinatay ninyo.”
Ayon sa Kapamilya host, ang desisyon ng mga mambabatas na hindi bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN ay magreresulta ng kawalan ng hanapbuhay ng libong empleyado ng network.
“Sa pagpapasara ng ABS CBN mawawalan ng malaking pagkakakitaan ang mga Lopez,” ani Vice Ganda sa kanyang tweet.
“Pero sigurado akong di sila maghihirap. Napakayaman na nila para maghirap,” dagdag pa ng “It’s Showtime” host.
“Ang totoong magdudusa dito ay ang mga pangkarinawang manggagawa na nawalan ng trabaho. Sila ang maghihirap,” ayon pa sa 44-gulang na komedyante.
Sa pagpapasara ng ABS CBN mawawalan ng malaking pagkakakitaan ang mga Lopez. Pero sigurado akong di sila maghihirap. Napakayaman na nila para maghirap. Ang totoong magdudusa dito ay ang mga pangkarinawang manggagawa na nawalan ng trabaho. Sila ang maghihirap.
— jose marie viceral (@vicegandako) July 17, 2020
Noong Hulyo 10, 70 mambabatas na kasapi ng House committee on legislative franchises ang nagdesisyong ibasura ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong 25-taong prangkisa. Nag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN noong May 5.
Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng Kapamilya network na masisimula itong magtanggal ng mga empleyado sa darating na Agosto 31.
“Kaya kung inaakala nyong nagtagumpay kayo e nagkakamali kayo. Mali ang natarget nyo. Mali ang pinatay ninyo,” wika ni Vice Ganda.
“At lahat yan ay mumultuhin at gagambalain kayo. Alam nyo kung sino kayo!”