Umabot sa mahigit 21 milyon ang bilang ng mga nagpa-enroll sa pagtatapos ng enrollment period sa mga pampublikong paaralan.
Base sa datos ng Department of Education (DepEd) hanggang alas 8:00 ng umaga ngayong Biyernes, July 17, ay umabot na sa 21,344,915 ang bilang ng mga nagpatala para sa School Year 2020-2021.
Ayon sa DepEd, 76 porsiyento lang ito ng kabuuang enrollment ng nakaraang taon.
Sa nasabing bilang, 20,147,020 ang nagpa-enroll sa pampublikong paaralan habang ang nalalabing bilang ay sa private schools.
Inaasahan ng DepEd na tataas pa ang bilang ng mga nagpa-enroll sa susunod na linggo dahil posibleng naantala pa ang pagre-report ng datos lalo na sa mga pribadong paaralan.
May mga private schools at nagpapatuloy pa ang enrollment habang ang iba ay kasisimula lamang.
Positibo ang DepEd na maaabot ang target na 80 porsiyento nang nakaraang bilang enrollees na 27.7 million.
Ayon sa DepEd, tatanggap pa rin ang mga paaralan ng late enrollees.