Jennylyn pinalakas ang loob ng matatanggal sa Dos: Naranasan ko na ring mawalan ng lahat-lahat

KASABAY ng magaganap na malawakang tanggalan sa ABS-CBN, nagpahayag naman ng positibong pananaw sa buhay ang Kapuso actress na si Jennylyn Mercado.

Ibinahagi ni Jennylyn sa kanyang mga followers at sa mga kaibigan niya sa Kapamilya Network na minsan na rin niyang naranasang “mabigo” at “mawalan.”
Partikular niyang tinukoy ang panahon nang mabuntis siya sa anak na si Alex Jazz sa kalagitnaan ng umuusbong niyang showbiz career.

“Naranasan ko na rin ang mawalan ng lahat after giving birth to Jazz. Wala akong trabaho, kaya kahit 1 buwan pa lang siya, umalis ako papuntang Amerika.

“Kumanta kanta sa mga restaurant dun para may mapadalang pera para sa pamilya ko,” pahayag ni Jen sa pamamagitan ng kanyang social media account.

Dagdag pa niya, “Those experiences shaped the person that I am now. And through those experiences I learned that kindness, patience, and empathy is what makes people human.”

Kuwento pa niya, sa kabila ng nararamdamang anxiety dahil sa pagkawala sa showbiz nang mahaba-habang panahon, hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa.

“Sinundo ako ng manager ko at bumalik kami dito. Tapos binigyan ako ng second chance ng GMA. And I tried (and still trying) to make the most out of it. Kaya I will always be grateful sa kanila,” mensahe pa ng girlfriend ni Dennis Trillo.

Matapos ilabas ang desisyon ng Congress na huwag nang bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN, isa si Jennylyn sa iilang Kapuso stars na nagpahayag ng pagsuporta sa network.

“Sa mga lumuha at nawalan, our prayers and hearts are with you. Sa mga taong tuwang tuwa sa mga pangyayari, huwag niyo sana danasin ang lumuha din at mawalan.

“Hindi ba tinuruan tayo ng ating mga magulang na maging makatao sa kapwa? Rejoicing because of other people’s sorrow is not only wrong, but inhumane. You are cruel.

“No network is perfect, policies can and will be improved. Ang importante ngayon ang mga taong nawalan ng trabaho lalo na at pandemya. Ang daling sabihin na okay lang sa inyo kasi sa tingin ninyo ay hindi kayo naapektuhan.

“Pero sana kahit saglit ay ilagay ninyo ang sarili sa posisyon nila. Huwag kayo maging manhid sa hirap na nararanasan ng iba,” pahayag ni Jen.

Ilang proyekto na rin ang nagawa ni Jen sa Star Cinema kung saan nakatambal niya ang mga Kapamilya stars na sina Coco Martin, Jericho Rosales at John Lloyd Cruz.

Read more...