BL series na ‘Game Boys’ nina Elijah at Kokoy humamig ng 4M views; gagawin na ring pelikula

 

 

ANG taray ng BL (Boys Love) series na “Game Boys” nina Elijah Canlas at Kokoy de Santos!

Nabalitaan kasi namin na magiging pelikula na pala ito, base na rin sa kuwento sa amin ng producer na si Perci Intalan ng IdeaFirst Company.

Hindi raw inaasahan nina Direk Perci at Jun Robles Lana na magiging ganu’n kalakas ang “Game Boys” sa manonood kahit sa digital platform lang ito ipinalabas.

Mahigit 4 million views na ang nasabing gay-themed series at ayon kay Direk Perci sulit na sulit ang pagod nila sa pagbuo nito dahil mahirap raw palang mag-shoot gamit lang ang Zoom app.

Ibig sabihin lang nito, talagang adik na adik na ang mga Filipino viewers at netizens sa mga gay series o mas kilala nga sa tawag na BL.

At dahil bitin ang ending ng love story nina Gavreel at Cairo (pangunahing karakter sa serye) ay itutuloy ito sa pelikula na may titulong “Game Boys: The Movie” na ididirek pa rin ni Ivan Andrew Payawal.

Ang karakter naman ni Adrianna So bilang si Pearl ay tatawid sa bagong kuwento ng “Game Boys” dahil siya naman ang bibida sa susunod na series ng IdeaFirst.

Tsika sa amin ni PMI (tawag namin kay direk Perci), “Si Adrianna naman ang bida sa kwento at may love interest din siya siyempre. Nagsisimula nang mag-shoot for this project.”

“Secret pa, well actually pina-finalize pa,” ang sagot sa amin ng director-producer kung sino naman ang makakasama ni Adrianna sa sarili nitong online series. Maging ang direktor nito ay iba na.

“Hindi na siya ang director kasi gagawin niya ‘yung Gameboys: The Movie. May ibang directing and creative team na binubuo si Jun para kay Pearl,” pahayag ni PMI.

At dahil takot pa ring lumabas ang karamihan para mag-shoot kaya puro sa kani-kanilang mga bahay at condo units muna ang location ng mga ginagawa nilang project.

Say ni direk Perci, “For now sa condo muna. Nakakatakot dumadami pa rin kasi ang COVID cases kaya safety first para hindi na tayo makadagdag sa problema ng gobyerno.”

Read more...