Sa muling pagbabalik ng aking column na Wacky Leaks ay hayaan nyo munang ipunto Ko ang ilang mga bagay na naganap na sa aking paniniwala ay makaka-apekto sa pagdaloy ng malayang pamamahayag sa ating bansa.
Sa kabuuan ay mabigat ang mensaheng iniwan ng pagbasura sa broadcast franchise ng ABS-CBN. Kahit anong paliwanag ang gawin ay hindi mahihiwalay dito ang aspeto ng pulitika lalo’t mismomg si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na gusto niyang makitang sarado ang nasabing broadcasting network.
Bilang mamamahayag ay malinaw ang mensahe nito sa amin at maging sa sambayanan sa kabuuan. Gaya ng sinabi ni Sen. Grace Poe na ito ay may “chilling effect” sa hanay ng mga mamamahayag sa kanilang pagganap sa tungkulin.
Dahil rin sa pagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN ay nangangahulugan rin na tagilid sa ngayon ang prangkisa ng iba pang media outfit dahil sa pangyayari. Tila bang sinasabi ng mga kaganapan na dapat magpakabait at umayon lamang sa mga hindi kritikal na balita kung gusto ninyong huwag matulad sa higanteng broadcasting network.
Noong Pebrero ay sinabi sa Senate public services committee ng Securities and Exchange Commission (SEC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at National Telecommunications Commission (NTC) na walang violations sa kanilang tanggapan ang ABS-CBN. Sa komite ni Sen. Poe ay nilinaw ng nasabing mga government regulators na nakasunod ang naturang media outfit sa lahat ng panuntunan ng gobyerno pero lahat ng mga ito ay nabalewala. Kasabay nito ang pagkawala sa kabuhayaan ng libo-libong mga manggagawa na umaaasa sa nasabing kumpanya.
Bagama’t ang Wacky Leaks ay tumatalakay sa ilang maituturing na light issues lamang, sa puntong ito ay kailangan rin nating manindigan lalo’t usapin sa malayang pamamahayag ang nalalagay na sa kapahamakan.