Kim Idol pumanaw na sa edad 41; hinintay lamang ang ina bago mamaalam

 

TILA hinintay lamang ng stand-up comedian na si Kim Idol ang pagdating ng kanyang ina bago tuluyang mamaalam ngayong umaga.

Pumanaw ang komedyante (Michael Argente sa tunay na buhay) dakong alas-8 ng umaga sa Manila Central University Hospital sa Caloocan City. Siya ay 41 taong gulang.

Ilang araw ding na-confine si Kim sa ospital matapos maputukan ng ugat sa ulo. Matagal na siyang may AVM o brain arteriovenous malformation.

Lumuwas nitong nagdaang weekend sa Manila mula sa Bicol ang ina ng komedyante kaya kahit paano’y nakasama pa niya ang anak sa ospital.

Sa pamamagitan ng Facebook, nag-post ng kanyang mensahe ang nanay ni Kim na si Maria Taniegra Argente tungkol sa pagpanaw ng anak.

“Anak alam ko lumaban ka para hindi mo kami iwan. Pinaalis mo lang kami ng Ate mo dahil hindi namin kaya na mawala ka.

“Maraming nagmamahal sayo anak. We love u! Magandang alaala ang iniwan mo anak lalo na sa mga Covid Victim na pinasaya mo inawitan mo.

“Sabi mo bumilis ang kanilang paggaling kasi nawawala ang kanilang lungkot hindi mo lang alam ang takot ni mama pero dahil gusto mo nga mag work bilang Frontliner pumayag na si mama.

“Sobrang saya mo ng ibalita mo sakin na kahit nakasalamuha mo sila negative result mo.

“Sobrang Proud ako sayo anak maraming sumasaludo sayo, para sa akin anak isa kang bayani,” madamdaming pahayag ng nanay ni Kim Idol.

Kung matatandaan, isinugod si Kim sa ospital noong July 9, Huwebes, matapos siyang matagpuan na wala nang malay.

Naka-duty noon ang stand-up comedian sa Bureau of Quarantine sa Philippine Arena bilang marshall. Ilang buwan din siyang nagsilbing frontliner sa mga quarantine facility mula nang mawalan ng trabaho sa showbiz.

Bago tuluyang mamaalam, isa si Kim Idol sa mga frontliners ng Bureau of Quarantine na pinarangalan dahil sa kanilang kabayanihan sa panahon ng health crisis.

Read more...