FOLLOW-UP ito sa kalagayan ng stand-up comedian na si Kim Idol na balitang “brain dead” na at hinihinintay na lang ang desisyon ng ina kung tatanggalin na ang life support nito o itutuloy pa rin.
Matatandaang itinakbo si Kim sa Manila Central University Hospital noong Huwebes ng madaling araw matapos makitang wala nang malay sa may pintuan ng kanyang kuwarto.
Ang mga kapatid ni Kim ay nasa hospital na nitong Biyernes habang ang kanilang ina mula sa Bicol ay dumating bandang tanghali rin kahapon.
Ang desisyon ng ina ay ubusin na lang ang gamot at saka tanggalin ang life support, pero umapela raw ang isang tiyahin ni Kim na nagsabing buhay pa ang kanyang pamangkin.
Tinanong namin ang kaibigan ni Kim na si Briane Alejandria kung ano na ang final decision ng ina ng komedyante.
“Nagdadalawang-isip pa. Sobrang hirap kasi talaga para sa mother ang mag-decide,” saad sa amin.
Humihingi naman ng donasyon ang pamilya ni Kim para sa hospital bills ng comedian dahil sa dalawang araw palang nito sa hospital ay nasa P87,000 na ang kailangang bayaran, at habang sinusulat namin ang balitang ito ay ikatlong araw na niya.
Sana nga’y magkaroon ng himala at isang araw ay magising na si Kim at gumaling na para sa ikatlong chance niya sa buhay.
Nauna na naming naisulat na isa ring frontliner si Kim at member din ng Iglesia ni Cristo kaya nu’ng sabihan siyang sa Philippine Arena na siya maa-assign last month bilang marshall para sa mga naka-quarantine doon ay masaya ang pakiramdam niya.
Mayo nang magsimula si Kim sa bago niyang trabaho bilang frontliner.
Kuwento ni Kim sa amin noon, “Kinuha ako nu’ng doctor na friend ng friend ko. Ngayon nag-e-encode ako sa opisina nila dito sa Port Area ng mga health declaration card (yung dilaw na coupon na pinipirmahan sa airplane).
“I applied for it. I was deployed the other day but was pulled out. While waiting for deployment, I’m doing some errands here in Bureau of Quarantine.
“Waiting po ako ulit na ma-deploy sa hotel, pero if ako po ang masusunod, mas preferred ko na mag-encode na lang kasi mas safe kesa sa humalibilo sa mga repatriates na naka-quarantine sa hotel kasi puwede pong may mag-positive sa kanila.
“Pahinga na muna ang aking entertainer alter ego na si Kim Idol habang idle pa ang entertainment business, normal na buhay muna as a government employee with my real identity Michael Argente!” aniya.