Ito ang bahagi ng reaksyon ng TV host-comedian na si Vice Ganda nang malaman ang naging desisyon ng Kongreso sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Bago maganap ang botohan ng mga kongresista para sa pagbibigay ng bagong prangkisa ng Kapamilya Network ay lumahok pa sa motorcade si Vice sa Quezon City para sa positibong resulta ng hearing.
Pagbalik nga niya sa labas ng ABS-CBN building ay agad siyang sinalubong ng media para kunan ng pahayag sa naging desisyon ng Kongreso.
“Kailangan ko lang prosesohin ang naramdaman ko, kasi ngayon ko lang nalaman yung desisyon.
“So, magulo pa yung nararamdaman ko. Hindi ko alam.
“Para akong nanginginig na hindi ko alam. Ang alam ko, malungkot na malungkot ako ngayon,” pahayag ni Vice.
“Mahalaga ito sa akin dahil buhay natin ‘to, e. Buhay ko, buhay ninyo, buhay ng audience, buhay ng madlang people, buhay ng mga kapamilya, buhay ng mga Pilipino, buhay natin ‘to.
“Ang ABS-CBN, ang serbisyong ibinibigay niya ay naging malaking bahagi ng araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Napakalaking bahagi.
“So, tungkol ito sa ating lahat. Hindi ito tungkol sa mga taga-ABS, hindi ito tungkol lang sa artista, tungkol ito sa ating lahat. Tungkol ito sa buhay natin.
“At naniniwala ako, kaya nga kayo lahat nandidito, e, dahil may epekto itong lahat sa inyo. Sa ating lahat ito, e,” sabi pa ng Phenomenal Box-Office Star.