UMABOT na sa 3 million views ang isang video na in-upload sa Facebook page ng programang “Iba ‘Yan” ni Angel Locsin.
Ito yung kuwento ng mag-asawang Jimmy at Emilia na dalawang taon na palang nakatira sa terminal ng jeep dahil hindi sila makauwi sa bahay nila sa Morong, Rizal.
Wala na kasi silang pamasahe at higit sa lahat hindi raw maayos ang tirahan nila bukod pa sa wala naman silang hanapbuhay doon.
Pangarap nina Tatay Jimmy at Nanay Emilia na mapaayos ang kanilang munting tahanan pero wala naman silang mapagkukunan ng budget.
Ikinuwento rin ng mag-asawa na pareho na ring senior citizen na noong iwan nila ang kanilang bahay ay isang box at ilang kaldero lang laman ang laman nito.
Ang hindi nila alam, inayos na pala ng “Iba ‘Yan” ang bahay nila sa Morong — pinaganda, nilagyan ng pangarap nilang hapagkainan, sofa para sa bisita at kama na matutulugan, at higit sa lahat pinatayuan din sila ng tindahan para magkaroon sila ng kabuhayan.
Nang marating ang kinatatayuan ng bahay ay alanganin ang dalawang matanda dahil bago sa paningin nila kaya tinanong sila ni Angel kung tama ba ang address nila dahil nga may agam-agam ang mga ito.
Napahagulgol sina tatay Jimmy at nanay Emilia nang pumasok sila sa loob ng bahay dahil natupad na nga ang pangarap nila kaya todo ang pasalamat nila sa programa ni Angel.
Hindi rin napigilan ni Angel ang mapaluha sa senaryong nakita sabay pakita sa tindahang punumpuno ng paninda, na nilagyan na rin ng plastic bilang pagsunod sa health protocol.
Bukod sa tindahan ay may isa pang business package na ibinigay sa mag-asawa tulad ng siomai, kikiam at iba pa na puwedeng lutuin ng mag-asawa para makadagdag sa kanilang pagkakakitaan.
“Hindi ako makapagsalita sa saya dahil ‘yung pangarap ko sa bahay na ito, nakamit ko na,” pahayag ni nanay Emilia.
Malapit talaga si Angel sa mahihirap at inamin niyang lumaki rin siya sa hirap kaya alam niya ang pakiramdam ng walang-wala kaya naman nangako sa sarili na kapag umasenso ay ibabahagi niya ito sa mga nangangailangan.
At tinupad naman yan ni Angel dahil isa na rin siya ngayon sa mga maituturing na tunay na bayani ng mga mahihirap.