KUMASA sa hamon ni Sen. Manny Pacquiao ang kanyang asawang si Jinkee Pacquiao.
Napasabak na rin kasi sa pagboboksing si Jinkee kung saan mismong si Pacman ang nagsilbing trainor niya.
Isa ito sa mga bonding moments ngayon ng mag-asawa habang naka-stay at home pa rin sa kanilang mansiyon sa General Santos City.
Of course, feeling proud naman si Jinkee dahil ang isa sa mga tinaguriang best boxers sa history ng boxing pa ang nagtuturo sa kanya.
Sa isang maikling video na ipinost ni Jinkee sa Instagram makikita kung paano siya tine-train ng asawa. In fairness, may matatawag din palang “the moves” ang misis ni Pacman pagdating sa pagsuntok.
Maririnig din si Jinkee sa simula ng video na nag-dialogue ng, “Manny Pacquiao, best trainer in the world and best fighter in the world.”
Pinusuan at ni-like ito ng libu-libong netizens kabilang na ang ilang celebrities at sports personalities. May mga nagkomento pa nga na nahawa na rin si Jinkee sa pagiging boksingero ng asawa dahil pamatay din daw ang mga suntok nito.
* * *
Samantala, nagpahayag naman ng pangamba si Sen. Pacquiao para sa mga estudyanteng magbabalik-eskwela na walang mapagkukunan ng budget para sa gadgets na kailangan sa bagong sistema ng edukasyon sa “new normal”.
Aniya, dapat inclusive ang Distant Learning Program ng DepEd sa pagbubukas uli ng klase sa mga pampublikong paaralan.
“Kailangan walang naiiwanan sa DepEd Learning Program. Lahat ng estudyante dapat mayroong access sa mga aralin. Kaya gusto ko rin po malaman kung paano ang sistema ng DepEd sa pagpapatupad ng blended-learning na plano nila,” ayon ka Pacquiao
Sa mga naunang balita, laptop, tablet, TV at transistor radio ang gagamiting medium ng DepEd para sa pagtuturo ng mga lesson sa tinatayang 22 milyong estudyante. Kamakailan lang ay nagpalabas na ng minimun specifications ang DepEd para sa mga laptop at tablet na dapat bilhin ng mga estudyante.
Ang pangamba ni Pacquiao, paano ang mga walang kakayahang bumili ng laptop o tablet lalo na ngayon na maraming nawalan ng trabaho, idagdag pa ang pambayad sa internet connection?
Anang senador, “Kawawa naman yung mga estudyante na sa transistor radio lang makikinig ng mga aralin. Magkakaroon ng imbalance at discrimination.
“Alam ko po ang nararamdaman ng mga mararaming mahihirap na pamilya na may anak na nag-aaral. Naranasan ko po yan kasi diyan po ako nanggaling,” aniya pa.
Bilang solusyon, suhestyon ng senador, “Ang telebisyon ang naisip kong pinakaakma sa panahong ito dahil halos 90% ng mga tahanan ay may TV. Ang gusto ko pong malaman ay kung ano po ang content ng ipalalabas DepEd sa TV at radyo sa kanilang plano.
“Gusto ko rin pong malaman kung mayroon na po bang dedicated na 13 TV at 13 radio stations para matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante mula kinder hanggang Grade 12,” aniya pa.
Sinabi pa ng senador na kung hindi pa nakahanda at nakasisiguro ang DepEd sa kanilang learning program, mas mabuti pang ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase hanggang matiyak ang solusyon ng DepEd.